Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes, Enero 22, 2026 ang muling paglabas ng mga alegasyon hinggil sa umano’y ₱15-bilyong ghost projects sa loob ng organisasyon ng militar.
Sa isang pahayag, nilinaw ng AFP na ang nasabing halaga ay tumutukoy sa TIKAS Program, na eksklusibong pinamamahalaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi ng sandatahang lakas.
Ayon sa AFP, walang katotohanan ang paratang na nilabag ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. ang Philippine Military Academy Honor Code.
“Allegations that [AFP chief General Romeo Brawner Jr.] violated the Philippine Military Academy Honor Code are completely false. No complaint, investigation, or finding exists to support this accusation. It is a fabricated narrative intended to malign the reputation of a senior military officer,” pahayag ng AFP.
Mariin din nitong itinanggi ang alegasyong may natanggap umanong pondo ang AFP mula kay House Speaker Martin Romualdez para sa mga ghost project.
“Furthermore, the AFP categorically denies receiving ₱15 billion from [Representative Martin Romualdez] for ‘ghost projects,’” dagdag pa nito.
Nanawagan ang AFP sa publiko na maging mapanuri laban sa mga nire-recycle at mapanlinlang na impormasyon, at umasa lamang sa opisyal at mapagkakatiwalaang mga sanggunian.
Iginiit din ng militar na nananatili itong matatag sa mga prinsipyo ng transparency, accountability, at integridad sa pagtupad sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.
Noong Oktubre 2025, inihayag ng Department of National Defense (DND) na inirekomenda nitong ipahinto ang mga hindi pa tapos na military infrastructure projects sa ilalim ng DPWH.
Ito ay matapos kwestiyunin ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian, sa isang pagdinig sa budget ng DND, ang mga hindi natatapos na proyekto ng DPWH para sa Philippine Air Force sa ilalim ng TIKAS program.
Simula noon, patuloy na nililinaw ng AFP ang mga tinawag nitong “misleading” na mga post sa social media na inuugnay ang mga kuwestiyonableng proyekto sa pamunuan ng militar.