Nagsisimula na umano ang panahon ng global water bankruptcy ayon sa inilabas na ulat ng United Nations (UN) kamakailan, dahilan para hikayatin ang mga lider ng bansa na pangunahan ang isang tapat at makaagham na pag-angkop sa bagong reyalidad na ito.
Batay sa naturang ulat ng UN na pinamagatang “Global Water Bankruptcy: Living Beyond Our Hydrological Means in the Post-Crisis Era,” hindi na umano sapat ang mga terminong “water stressed” at “water crisis” para ilarawan ang kasalukuyang reyalidad ng tubig sa maraming lugar sa iba’t ibang bansa.
Isa na umano itong post-crisis condition na ang natural na kapital ng tubig ay tuluyan nang mawawala at hindi na maibabalik pa.
“This report tells an uncomfortable truth: many regions are living beyond their hydrological means, and many critical water systems are already bankrupt,” saad ni Kaveh Madani, lead author ng ulat at direktor ng UN University’s Institute for Water, Environment and Health (UNU-INWEH).
Nakasaad din sa ulat na hindi lang umano basta sobrang kinonsumo ng maraming lugar sa iba’t ibang bansa ang kanilang taunang “renewable water income” mula sa mga ilog at lupa, nasaid na rin umano ang kanilang pangmatagalang “savings” ng tubig na matatagpuan sa mga natural na imbakan nito tulad ng aquifers, glaciers, at wetlands.
Dahil dito, humupa ang mga lupain sa mga lungsod na may baybayin, naglaho rin ang mga lawa at basang lupa kasama ang mga biodiversity na hindi na maibabalik pa.
Kaya naman inaapura ng UN ang mga gobyerno sa iba't ibang panig ng mundo na ilipat ang kanilang paraan ng pagtugon sa nasabing problema mula crisis management patungong bankruptcy management.