Labindalawang taon ang lumipas mula nang unang humarap sa Bar Examinations si Spinel Albert Allauigan Declaro, isang pagsubok na noon ay hindi niya napagtagumpayan.
Sa halip na tuluyang isara ang pinto sa pangarap na maging abogado, pinili ni Declaro, tubong Iguig, Cagayan na ipagpaliban ito habang hinaharap ang iba’t ibang responsibilidad sa buhay, dala ang tahimik ngunit matibay na pag-asang darating ang tamang panahon.
Pero makalipas ang higit isang dekada, muling sinubukan ng graduate ng University of Santo Tomas (UST) ang kapalaran niya sa Bar, at mukhang malalang bawi ang ginawa niya, dahil hindi lang siya pumasa kundi Top 2 pa ng 2025 Bar Exams.
Napagtala si Declaro ng 92.46% sa isa sa itinuturing na pinakamahihirap na licensure examinations sa Pilipinas.
Isiniwalat ang kaniyang pambihirang kuwento ni Amy Lazaro-Javier, Associate Justice ng Korte Suprema at siyang committee chairperson ng 2025 Bar Examinations.
Ayon kay Lazaro-Javier, naging estudyante niya noon si Declaro, kasama ang asawa nito, sa Faculty of Civil Law ng UST.
Ibinahagi rin ng mahistrado na muli silang nagkita makalipas ang ilang taon, kung saan personal niyang hinikayat si Declaro na bumalik at muling kumuha ng Bar, kasabay ng pagtitiyak na patas at makatarungan ang proseso ng pagsusulit.
Hindi niya akalaing ang nasabing paghikayat ay hahantong sa pagiging Top 2 ng dating estudyante.
Makikita naman ang pagbati kay Declaro ng National Amnesty Commission kay Declaro, at sa isa pang Bar passer na si Atty. Alfonso Mikhail Armamento.
Nagbigay-inspirasyon ang tagumpay ni Declaro hindi dahil sa bilis ng kaniyang pag-angat, kundi dahil sa haba ng kaniyang paghihintay, sa kababaang-loob na tanggapin ang pagkabigo, at sa lakas ng loob na magsimulang muli.
Matatandaang 5,594 ang pumasa mula sa 11,425 examinees ng 2025 Bar Exams, na nagresulta sa 48.98% passing rate; mas mataas kumpara sa 37.84% noong nakaraang taon.
Nanguna naman ang engineer na si Jhenroniel Rhey Timola Sanchez, graduate mula sa University of the Philippines, na nagtala ng 92.70%.