Isiniwalat ng latest survey ng Pulse Asia na tila mas pinagkakatiwalaan at mas aprubado pa rin ng mga Pilipino ang performance ni Vice President Sara Duterte kumpara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa inilabas na resulta ng survey na ikinasa ng Pulse Asia mula Disyembre 12 hanggang 15, makikitang bahagyang umangat sa 34% ang “approval rating” ni PBBM, kumpara sa 33% niya noong Setyembre 2025.
Umakyat din ang approval rating ni VP Sara matapos itong pumalo sa 56%, kontra sa 55% nito noong nakalipas na tatlong buwan.
Umakyat naman sa 48% ang “disapproval rate” ng mga Pilipino sa Pangulo, mula sa 44% nito noong Setyembre 2025.Bahagya ring tumaas si VP Sara sa 24%, kumpara sa 22% nito sa parehong buwan.
Photo courtesy: Pulse Asia/Website
Sa "trust rating" naman ng dalawang pinakamataaas na posisyon sa bansa, makikita ang malaking pagkakaiba sa kanilang mga nakuhang resulta.
Nakakuha ng 32% “Big Trust” si PBBM, habang pumalo naman sa 47% ang kaniyang “Small/No Trust” rating.
Kay VP Sara naman, 54% ang kaniyang “Big Trust,” samantalang 24% naman ang kaniyang “Small/No Trust.”
Photo courtesy: Pulse Asia/Website
Mababasa rin sa resulta ng survey na isyu sa korapsyon, pagtaas ng bilihin, suweldo ng mga manggagawa, kahirapan, at pagpaparami ng oportunidad ang ilan pa rin sa mga “concern” ng mga Pilipino ngayong 2025.
Nakibahagi sa nasabing survey ang 1,200 samples mula sa buong bansa, na nasa edad 18 pataas. Mayroon din itong ±2.8 percent margin of error at 95% confidence level.
Vincent Gutierrez/BALITA