Isa ang Pilipinas sa anim na bansa sa Southeast Asia (SEA) region na nananatiling kulelat sa reading proficiency, base sa pag-aaral mula sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2024 regional report, na isinagawa ng United Nations Children's Fund (UNICEF) East Asia and Pacific Regional Office at Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO).
Ang nagsasabing pag-aaral ay nagsagawa ng assessment sa mga batang naka-enroll sa Grade 5, mula sa mga bansang Cambodia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, at Vietnam.
Batay rito, sinasabing nanatiling mababa ang bilang ng reading proficiency ng mga mag-aaral simula 2019.
Kaya ayon kay June Kunugi, ang Regional Director ng UNICEF sa East Asia at Pacific regions, dahil sa kakulangan ng mga pangunahing kaalaman, maaaring mahirapan ang mga bata na umusad sa mas mataas na antas ng edukasyon at kalauna’y makahanap ng mas maayos na trabaho.
Ang mga aspetong ito rin daw ang maaaring maging dahilan para malugmok sa kahirapan ang mga komunidad at ekonomiya ng mga nasabing bansa, aniya pa.
Bagama’t kinakitaan naman ng bahagyang pagtaas sa math proficiency, 19% ng mga mag-aaral sa rehiyon ang may math skills ng isang Grade 3 na mag-aaral.
Ayon naman kay SEAMEO Secretariat Director na si Datuk Dr Habibah Abdul Rahim, dahil sa naging resulta ng kanilang assessment, prayoridad nila na matulungan ang mga bata sa SEA na mapagbuti ang kanilang reading comprehension at basic math skills.
“Foundational skills are the cornerstone of every child’s future. As evidence continues to highlight persistent disparities across our region, ensuring that every child can read with comprehension and do basic math must remain a regional policy priority for Southeast Asia”, ani Rahim.
Ang itinuturong dahilan dito ay ang mga aspetong socioeconomic, linguistic, at geographic background ng mga mag-aaral sa mga nasabing bansa.
Ayon pa rito, sa mga nabanggit na bansa, mas naging mataas ang reading performance ng mga batang babae kaysa lalaki; habang mas naging balanse naman pagdating sa math.
“A child’s family income, gender or the language they speak at home should never determine their right to learn,” saad ni Kunugi sa panawagan niya sa mga pamahalaan na bigyang prayoridad ang foundational learning ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng early childhood education at catch-up programmes sa mga batang nahuhuli.
Sean Antonio/BALITA