Nagpakawala ng tirada si Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte matapos burahin sa House record ang manifestation ni Quezon City Fourth District Rep. Jesus “Bong” Suntay sa delibresyon ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kinuwestiyon ni Suntay noong Lunes, Marso 2, ang pagiging patas ng mga panel member sa impeachment, gayong ilang sa mga mambabatas na bahagi nito ay nakatanggap umano ng pera kapalit ng pagtuligsa sa mga Duterte.
Ito ay batay sa isiniwalat ng 18 indibidwal na dating miyembro ng marines bilang pagsusog sa naunang pahayag ni retired Marine TSgt. Orly Guteza tungkol sa paghahatid ng male-maletang pera mula sa amo nilang si Zaldy Co.
Kaya sa latest Facebook post ni Duterte nitong Martes, Marso 3, pinuna niya ang naging trato ng ilang mambabatas kay Suntay.
Aniya, “The Filipino people are not stupid. Kung wala kayong tinatago, bakit takot na takot kayo sa manifestation? Why silence a fellow lawmaker? Why sanitize the records? Ano ang kinakatakutan ninyo — the truth?”
“Ang impeachment laban kay VP Sara should stand on evidence and constitutional grounds, not on alleged suitcases and backdoor transactions,” dugtong pa ni Duterte.
Samantala, naghayag naman ng pagpupugay si Duterte sa 18 marines na matapang na nagsalita laban sa mga makapangyarihang politiko.
Maki-Balita: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!