Tila hindi napigilang uminit ang ulo ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Edgar "Egay" Erice dahil sa isinusulong na bersyon ng anti-political dynasty bill sa Kamara.
Ayon sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform nitong Martes, Marso 3, 2026, mariing tinutulan ni Erice sa pagpapasa ng bersyon ng Kamara sa anti-political dynasty bill dahil mas malala pa raw iyon sa kasalukuyang nangyayari sa politika.
“Kung ipapasa po natin itong bersyon na ito, ito po ay hindi anti-political dynasty bill dahil ito po [ay] mas worse pa sa nangyayari ngayon,” pagsisimula niya, “Hindi lang po mataba na dynasty ang ipo-produce nito, bundat na dynasty ang ipo-promote nito.”
Ani Erice, maliwanag daw sa mga bumuo ng konstitusyon na may mga parametro sa pagtutukoy umano ng isang political dynasty.
“Pangalawa po, maliwanag sa ating konstitusyon—sa mga framers ng constitution natin—meron pong parameters on how to define a political dynasty: one, it should equal access and opportunities to ordinary citizens for public office. Dito po… sampo kayo na magkakaanak, lahat kayo puwedeng kumandidato dito sa iba’t ibang mga posisyon,” aniya.
Dagdag niya, “Pangalawa po, sinabi ng mga framers ng Constitution, it should prevent monopoly of power. Sampo kayo, puwede? E ‘di may monopoly of power. Ang liwanag.”
Pagpapatuloy ni Erice, matagal na raw binabalewala ng Kongreso ang 1987 Constitution at tila mas babastusin pa raw nila ito kung ipapasa ang bersyon ng anti-political dynasty bill na mariin niyang tinututulan.
“Congress has been ignoring the anti-political dynasty provision of the 1987 Constitution for 39 years. Binabalewala natin,” saad niya.
“Pero ngayon, mas worse. Bakit? Binabastos natin ang essence ng Konstitusyon kung ipapasa natin ang bill na ito,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakalampas na umano sa committee level ang substitute bill ng anti-political dynasty bill kung saan sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang nagpanukala nito.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, minamatahang ipasa 'Anti-political dynasty bill' bago magtapos ang Marso—Hontiveros
KAUGNAY NA BALITA: Erice sa posibleng alyansa ng LP, admin: 'Pati mga namatay naming leader, baka bumangon!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita