December 14, 2025

Home BALITA

Ilang grupo, dismayado sa talumpati ni Cardinal Ambo sa Trillion Peso March

Ilang grupo, dismayado sa talumpati ni Cardinal Ambo sa Trillion Peso March
Photo Courtesy: via MB, PLM, Sanlakas (FB)

Pinuna ng ilang progresibong grupo ang tila palyadong talumpati ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo “Ambo” Virgilio David sa ginanap na Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument noong Nobyembre 30.

Sa isang Facebook post ng Partido Lakas ng Masa (PLM) nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi nilang “nakababahala” at “nakalulungkot” ang mga binitawang pahayag ni Cardinal Ambo sa nasabing pagtitipon.

“Sa halip na kondenahin ang ugat ng problema—ang bilyon-bilyong ninakaw na pondo, mga ghost project, at sagad-sagarang katiwalian sa pinakamataas na antas ng gobyerno—mas pinili ng Cardinal na punahin ang panawagang Marcos–Duterte Resign, ang mas malawak na panawagang ‘Resign All,’ at ang panukalang People’s Transition Council (PTC),” saad ng PLM.

Ang PTC ay isang interim leadership na pangungunahan umanong itayo ng taumbayan upang magsagawa ng eleksyong magpapatupad ng kongresyonal na nagbabawal sa political dynasty.

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

Hindi ito sinasang-ayunan ng mga organisador ng Trillion Peso March dahil tila isa lamang itong kudeta na nagtatago sa ibang katawagan. 

Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Kiko Dee, ‘di pabor sa People's Transition Council

Ngunit nlinaw ng PLM na hindi umano kaguluhan ang hatid ng ipinapanukala nilang PTC.

Anila, “Ito’y demokratikong panukala para ipatupad ang malinis, tunay, at walang-dayang halalan na tatapos sa paghahari ng mga dinastiya. 

“Sa usapin ng paghahangad ng demokrasya, ito mismo ay isang hakbang tungo sa inclusive at participatory na proseso—hindi pamumuno ng iilan, lalong hindi ng mga dinastiya,” dugtong pa ng grupo.

Samantala, hinimok naman ng Sanlakas si Cardinal Ambo na manalig sa kakayahan ng taumbayan.

“Just as faith can move mountains, so can faith in the people deliver results,” anila

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon o pahayag na inilalabas si Cardinal Ambo. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.