December 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'No one warned me about this part of adulting!' post ng dok tungkol sa buwis, usap-usapan

#BalitaExclusives: 'No one warned me about this part of adulting!' post ng dok tungkol sa buwis, usap-usapan
Photo courtesy: Fidel C. Cascabel II/FB via MB

Mahalaga ang buwis at pagbabayad nito dahil ito ay pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan para sa mga serbisyo tulad ng imprastruktura, edukasyon, kalusugan, seguridad, at iba pa.

Bahagi ito ng responsibilidad ng bawat mamamayan upang mapatakbo ang bansa, ngunit madalas nagiging hamon ang proseso dahil sa kakulangan ng kaalaman tungkol dito at komplikadong regulasyon.

Sa kabila nito, mahalagang maunawaan at sundin ang tamang pagbayad ng buwis upang maiwasan ang multa at masigurong napupunta sa tama ang pondo para sa kapakinabangan ng lahat.

Kaya naman, viral ang Facebook post ng isang doktor na dating talent sa ABS-CBN matapos niyang ibahagi ang karanasan at napagnilayan tungkol sa isa sa mga ginagawa sa "adulting stage," ang pagbabayad ng buwis.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Para kay Dr. Fidel C. Cascabel II, ang pagpasok sa mundo ng adulting ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng trabaho o pagharap sa responsibilidad—kundi pati sa mga “plot twist” na hatid ng sistema ng buwis na madalas hindi napag-uusapan.

Sa viral na Facebook post na pinamagatang “No One Warned Me About THIS Part of Adulting — My BIR Story,” inilahad ng doktor kung paano siya naharap sa malaking multa mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa mga taon na hindi siya nakapag-file ng tax returns, panahong buong panahon siyang nasa medical school at walang kita.

Ayon kay Cascabel, mula 2011 hanggang 2015 ay naging talent siya ng ABS-CBN Cebu, dahilan para magparehistro siya bilang "professional taxpayer." Ngunit nang tumigil siya sa pagtatrabaho upang pumasok sa medical school noong 2015, hindi niya alam na may kasunod itong obligasyon: kailangang mag-file ng tax returns taon-taon o formal na isara ang registration, kahit wala nang kita.

Taong 2021, matapos pumasa sa board exam at magparehistro bilang doktor, doon niya nalaman ang matagal nang nakaabang na “adulting bill.”

"Surprise! You have open cases for late filing from 2016–2020,” sabi umano sa kaniya ng taga-BIR.

Sinubukan niyang ipaliwanag na wala siyang income at buong-panahong nag-aaral, ngunit sinabi umano ng BIR na may multa pa rin—na umabot muna sa anim na digit bago naibaba sa limang digit.

“Technically, the penalty was valid. Emotionally? Spiritually? Financially? Traumatic," aniya.

Kaya naman, binigyang-diin ni Cascabel na hindi ito usapin ng pagsuway, kundi ng kawalan ng kaalamang dapat sana'y natutuhan sa paaralan, subalit tila wala raw nakapagsabi sa kaniya.

“Funny how they never teach THIS in school, noh?” aniya, sabay tukoy sa financial literacy at tax responsibilities na hindi umano bahagi ng kurikulum.

Aniya, maraming kabataan ang pumapasok sa adulting nang walang sapat na kaalaman kung paano gumagana ang obligasyong pampinansyal, lalo na sa buwis.

Nagsilbi na ring babala sa mga bagong propesyonal, freelancers, at sinumang nag-asawa na ang kaniyang post, na tanging intensyon lamang daw niya kung bakit niya ibinahagi.

“If you ever registered ANY profession in your past life — CLOSE. IT.”

Anya, hindi awtomatikong alam ng sistema na tumigil na ang isang tao sa pag-eensayo ng propesyon.

“It will quietly count the years… then greet you with a plot twist you didn’t ask for.”

Dahil dito, iginiit niya na ang adulting ay hindi lang usapin ng pag-abot ng pangarap kundi ng pagprotekta sa pinansyal na aspeto at mental health.

Nilinaw rin niyang hindi ito pag-atake sa mga empleyado ng BIR.

"I see a lot of comments about ‘charging double’ for BIR employees let’s stay grounded for a bit. That’s not the point of my post. This is meant to be a wake-up call," aniya.

"We should be teaching financial literacy, taxes, and real-life responsibilities in school. And yes the system needs to be fair, transparent, and free from corruption. Dili unta ta ma-penalize for things we’re never taught."

Dagdag niya, nararapat lamang na ang sistema ay maging mas patas, malinaw, at may empatiya, lalo na para sa mga kabataang nagsisimula pa lamang sa kanilang mga karera, at lalo pa't napag-uusapan ang tungkol sa isyu ng korapsyon.

"It’s time to make the system work for the people, not against them. And despite all the frustration, let's still choose kindness. We can express dissent without hostility. Accountability and empathy can exist at the same time," aniya pa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dr. Fidel, muli niyang nilinaw kung bakit niya pinost ang nabanggit na karanasan.

"I only ask that the intention of the post is made clear: it was written to educate, spark dialogue, and highlight a very common experience that many workers and professionals go through, as seen in the comments," aniya.

"My goal is not to attack any institution but to start conversations that may hopefully lead to a system that works better for ordinary workers, especially those who are trying to comply but were never guided properly in the first place."

"Thank you again, and I’m glad the message resonated with many," dagdag pa niya.

Photo courtesy: Screenshot from Fidel C. Cascabel II/FB

Samantala, nakipag-ugnayan naman ang Balita sa BIR upang hingin ang kanilang reaksiyon, pahayag, o panig tungkol sa post, subalit wala pa silang tugon.