May 22, 2026

Home BALITA

DSWD Sec. Gatchalian, may alok na ₱100K pabuya sa makakapagturo ng salarin sa asong pinutulan ng dila

DSWD Sec. Gatchalian, may alok na ₱100K pabuya sa makakapagturo ng salarin sa asong pinutulan ng dila
Photo courtesy: via Rex Gatchalian/FB

Nag-anunsyo ng ₱100,000 pabuya ang dating alkalde at kongresista ng Valenzuela City na si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa malupit na pag-abuso sa asong si Kobe sa Brgy. Balangkas, Valenzuela City.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), personal silang lumapit upang humingi ng tulong matapos matagpuang “lupaypay na at putol ang dila” ni Kobe, batay sa salaysay na inilabas ng dating opisyal. 

Naganap ang insidente sa loob mismo ng barangay, at kasalukuyan ngayong iniimbestigahan ng mga awtoridad at ng PAWS.

Hindi itinago ni Gatchalian ang kaniyang pagkadismaya sa sinapit ng aso. 

Aniya, “Hindi ko kayang sikmurain na may ganitong kaganapan sa ating siyudad. This is not how Valenzuelanos are, this is not how our values are. Tayo sa lungsod natin, we value every single life.”

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga residente, lalo na sa mga taga-Barangay Balangkas, na tumulong upang makilala ang responsable sa naturang pagmamalupit. 

“Ituro ninyo kung sino ang may kagagawan nito… handa akong magbigay ng ₱100,000 mula sa akin mismo,” pahayag niya.

Hinimok din niya ang publiko na magpadala ng mensahe sa official Facebook page ng PAWS kung may anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.