Isang kuwento ng pananampalataya, sakripisyo, at matinding determinasyon ang naghatid kay Arkim Baronia, 23-anyos mula Candelaria, Quezon, sa tagumpay bilang Top 3 ng 2025 Customs Broker Licensure Examination, sa rating na 94%.
Ayon sa Facebook post niya noong Nobyembre 21, apat na taon na ang nakalilipas nang magdesisyon siyang maging working student upang hindi na mabigatan ang kaniyang mga magulang sa gastusin—isang desisyong nagpabago sa takbo ng kaniyang buhay.
Alam niyang maaaring mawala ang pagkakataong makapagtapos na may parangal dahil sa hirap na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho, ngunit kapalit nito ay isang mas matapang na pangako: ang pagsusumikap na maging isang national topnotcher.
Mula noon, buong puso at walang pag-aalinlangan niyang inalagaan ang pangarap na ito hanggang sa mismong araw ng pagsusulit.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Arkim, sinabi niyang hindi naging madali ang paglalakbay. Sa loob ng walong taon, sabay niyang hinarap ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang freelance makeup artist, tutor, choreographer, pageant handler, at student assistant.
Madalas ay kinakailangan niyang bumiyahe ng tatlo hanggang apat na oras mula Quezon hanggang Batangas bitbit ang maleta, upuan, ilaw, at iba pang gamit para lamang makaraket sa mga kliyente bago bumalik sa klase.
May mga araw na ang tanging pahinga niya ay sa pagsakay sa bus, at pagdating sa eskwela ay kailangang ngumiti na parang hindi galing sa puyat, gutom, o pagod.
Ngunit dahil sa suporta ng mabubuting guro at kaibigan, nalagpasan niya ang bawat unos.
Sa kaniyang paghahanda para sa board exam, disiplina at mental balance ang naging sandigan niya. Hindi siya umaasa sa kape; sa halip, sinigurado niyang makapagpahinga ng 7–8 oras bawat araw at umiwas sa burnout.
Ang kaniyang routine, na nabuo pa noong comprehensive exam season sa kolehiyo, ay naging mahalagang bahagi ng kaniyang tagumpay.
"I always stick to my routine po. Di po ako nagkakape para magising kasi during our compre season pa lang nung 4th year, nagbuild na po ako ng routine na nadala ko po hanggang review proper. Isang bagay rin po na iniingatan ko ay ang hindi maburn out kaya binibigyan ko po ang sarili ko ng enough na pahinga which is 7-8hrs a day at kumakain po ako ng marami lalo kapag naiistress na," paliwanag niya.
Para kay Arkim, ang pagiging topnotcher ay hindi lamang bunga ng pagsisikap kundi higit sa lahat ng pananalig. “I owe everything to God,” aniya. “Siya ang nakakita ng lahat ng pagod, dasal, at luha, at Siya ang nagpalakas sa akin sa tuwing ako’y nanghihina.”
Nagpasalamat rin siya sa kanyang pamilya na nagsilbing inspirasyon at sandigan; sa mga kliyenteng umintindi at nag-adjust sa kanyang schedule; sa mga kaibigan at guro mula elementarya hanggang kolehiyo, kabilang sina Ma’am Jeanette, Sir Noel, Ma’am Chat, Sir Arlon, at Ma’am Freya—mga taong naniwala sa kanya lalo na noong kinukutuban siya ng pagdududa sa sarili.
Pinapurihan din niya ang Clap Plaza Sta. Cruz at si Sir Ruben Pedreza sa paggabay at pagtuturo na nagbigay sa kanila ng disiplina sa review.
Para sa mga susunod na kukuha ng board exam, payo ni Arkim ang maraming dasal, paglalagay ng sarili sa positibong kapaligiran, pagsandig sa fundamentals, at pag-assess ng sariling lakas at kahinaan.
Mahalaga aniyang paghandaan ang mahihinang bahagi, tulad ng ginawa niyang pagtuon sa computation at CDP. At sa araw ng exam, dapat pumasok sa testing site na kalmado at may tiwala sa sariling paghihirap.
"No. 1 maraming prayers. Hindi po natin alam ang lalabas sa boards kaya po mahalaga na laging manalangin at magtiwala sa plano niya sa atin. Isa pa po is to surround yourself with people that will feed your mind with positivity," aniya.
"My family never pressured me. They never ceases to remind me that I am enough and I am doing enough. Yung mga kaibigan ko rin po malaking tulong kase nakakatawa sa dorm namin. Kapag stress na po kami, we always tend to crack jokes na talagang matatanggal po ang aming mga isipin."
"Sa mismong aralin naman, siguro po stick sa fundamentals. Mahalaga na mayroon po tayong magandang foundation especially po at batas ang aming pinag- aaralan. One more thing, iassess po natin ang ating sarili. Weakness ko po ang computation at CDP kaya po naglaan po talaga ako ng oras para pag-aralan nang maayos para po pagdating ng mismong examination, kung hindi ko man po alam na alam lahat sa sobrang dami, at least po ay familiar po at nagegets ko po yung topic."
"Lastly, kapag alam mo po sa sarili mo that you have worked hard and give your best, walk in the testing site calmly. As if God sent you there for a greater purpose," aniya pa.
Sa huli, inialay niya ang tagumpay sa mas batang bersyon ng kanyang sarili—ang batang may libo-libong dahilan para sumuko ngunit piniling lumaban at ipagpatuloy ang pangarap. “Proud ako sa’yo,” mensahe niya sa sarili. “Laus Deo!”
Ang kuwento ni Arkim Baronia ay hindi lamang tagumpay ng isang working student, kundi inspirasyon sa lahat na ang pangarap na sinabayan ng pananampalataya at determinasyon ay tiyak na kayang abutin.