Nanawagan sa publiko si Senador Kiko Pangilinan na kumbinsihin si dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo para kumandidato muling pangulo sa 2028 national elections.
Sa latest Facebook post ni Pangilinan nitong Biyernes, Nobyembre 21, sinabi niyang sa gitna ng panawagang “BBM, resign” ay mas gugustuhin daw niyang umalingawngaw ang panawagang tumakbong pangulo si Robredo.
Ito ay matapos ihayag ng alkalde na tila wala na siyang interes pang makisali sa nangyayaring gulo sa politikang pambansa.
Maki-Balita: 'Dito na lang ako sa Naga!'—Leni, sa gitna ng panawagang tumakbo sa 2028
“At sa panawagan na ‘Bbm resign’ naman, mas gugustuhin ko na ang panawagan na kumbinsihin natin lahat si Leni na magbago ng isip, tumakbo muli bilang Pangulo sa susunod na halalan at sama sama natin idalangin na pumayag sya para sa bayan, para sa tapat at totoong pamumuno,” saad ni Pangilinan.
Matatandaang running mate ni Robredo si Pangilinan bilang vice president niya noong 2022 presidential elections sa ilalim ng electoral alliance na Team Robredo-Pangilinan o Tropang Angat.