December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 15-anyos, nagligtas ng higit 50 katao sa baha gamit salbabida at bangka

#BalitaExclusives: 15-anyos, nagligtas ng higit 50 katao sa baha gamit salbabida at bangka
Photo courtesy: Reign Dayday/FB

Sa gitna ng rumaragasang baha na dulot ng bagyong Tino at maging ng Uwan sa Villa Lara, Jubay, Liloan, Cebu, isang binatilyo ang tumindig bilang liwanag sa gitna ng kadiliman.

Siya si Jayboy Magdadaro, 15-anyos, mula sa Fatima, Jubay: isang batang may puso ng tunay na bayani.

Hindi siya rescuer, pero pinili niyang suungin ang baha, ulan, at panganib na dulot nito para lang maisalba ang buhay ng iba. 

Noong araw ng pagbaha, inakala ni Jayboy na ang kanilang lugar sa Fatima ang tatamaan nang husto ng rumaragasang tubig, kaya agad siyang lumikas patungong Sitio San Roque. Ngunit taliwas sa inaasahan, mas labis na naapektuhan ang Villa Lara. Sa halip na manatili sa ligtas na lugar, pinili ni Jayboy na bumalik at tumulong—isang desisyong nagligtas ng higit 50 buhay.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Mula 8:00 a.m. hanggang 3:00 p.m., walang tigil ang pagsagip ni Jayboy sa mga residente gamit lamang ang salbabida at bangka. Bata, buntis, matatanda, lahat ay tinulungan niya. Hindi biro ang kaniyang mga nadaanan: malakas na agos, naglalakihang debris, at maging mga bangkay na palutang-lutang sa tubig-baha. Sa kabila nito, nagpatuloy siya sa paglikas ng mga taong nangangailangan.

Matapos ang kaniyang kabayanihan, may ilang nag-alok ng pera bilang pasasalamat, ngunit magalang niya itong tinanggihan. Para kay Jayboy, hindi dapat suklian ang pagtulong, lalo na sa panahong ang bawat segundo ay mahalaga para sa kaligtasan ng iba.

Mababasa ito sa viral Facebook post ng isang nagngangalang Reign Dayday, isa ring residente at saksi sa kabayanihan ng binatilyo. Para kay Reign, ito ay "story to tell."

"This young man deserves recognition for saving over 50 lives during the heavy floods in Villa Lara, Jubay. He is Jayboy Magdadaro, 15, from Fatima, Jubay," mababasa sa post ni Reign noong Linggo, Nobyembre 9.

"To make the story short, Jayboy evacuated to Sitio San Roque, Jubay, expecting that Fatima would experience heavy flash floods but it turned out the other way around."

"Jayboy started rescuing people from Villa Lara around 8am and continued until 3pm., using only a Salbabida & Bangka. He saved children, pregnant women, and other residents in the area. He even encountered dead bodies floating in the floodwaters. According to Jayboy, after he helped rescue people, some offered him money in return but he refused."

"Good job, dong Jayboy! A hero like you truly deserves recognition for your selfless courage and dedication during this life and death situation," pagwawakas niya.

Sa comment section ng post ni Reign, marami ang nagpahayag ng pagnanais na magpaabot ng tulong kay Jayboy. May mga nagsabi pang dapat ay bigyan siya ng full scholarship sa kolehiyo para makatapos ng pag-aaral.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reign, ibinahagi niyang si Jayboy ay bahagi ng Sangguniang Kabataan (SK) support staff ng Barangay Jubay.

Aktibo siya sa community service, mula sa repacking ng relief goods hanggang sa iba pang proyekto ng barangay.

"Actually, Jayboy is one of our SK support staff here in Barangay Jubay, Liloan, Cebu. He is active in community service by helping us repacking relief goods other activities here in our area. Jayboy has been kind and helpful towards its people po," ani Reign.

Nag-iwan din ng mensahe si Jayboy sa lahat ng mga kagaya niyang tumutulong sa kapwa sa panahon ng sakuna at kalamidad.

"Mag-ingat po kung tutulong sa baha. Always remember to help others without any in return. Sana mabigyan po ng saktong tulong ang mga naapektuhan sa baha."

Kudos sa iyo, Jayboy! Sana, dumami pa ang mga kagaya mo!