Marahil isa ang takot sa emosyong iniiwasang maramdaman ng maraming tao. Siguradong kapag sinubukang magtanong ng sinoman sa kanilang mga kaibigan o kakilala, mas pipiliin nilang maramdaman ang kilig o saya kaysa sa takot.
Kaya bakit pag-aaksayahan ng panahon ang pagsusulat ng mga kuwentong takot ang hatid sa mambabasa? Bakit magdadagdag ng mga bagay na ikakakaba o ipag-aalala?
Pero paano kung posible ring maging kasangkapan ang mga nilalang na kagilala-gilalas para matupad ang pinapangarap na mundong higit sa naririto?
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ng manunulat at gurong si Edgar Calabia Samar ang tungkol sa halaga ng pagsusulat sa mga kuwentong nakakatakot.
Nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat si Samar sa Ateneo De Manila University (ADMU). Higit siyang nakilala sa novel series niyang ”Janus Silang.”
Itinampok niya rito ang mga kagila-gilalas na nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino gaya ng tiyanak, manananggal, bungisngis, mambabarang, at iba pa.
Basahin: SanTENakpan: Si Janus Silang sa loob ng isang dekada
Ngunit bago pa man niya mabigyang-buhay si Janus sa mga pahina, nauna na niyang ipinakilala si Daniel sa “Walong Diwata ng Pagkahulog,” na ang English translation ay napabilang sa longlisted ng 2009 Man Asian Literary Prize.
Nasundan pa ito ng “Sa Kasunod ng 909” at “Teorya ng Unang Panahon” na kapuwa rin premyado.
Ayon kay Samar, maituturing umanong kasangkapan ang lahat ng detalyeng ginagamit sa oras ng pagsusulat upang matupad ang pinapangarap na mundong higit sa kung ano lang ang umiiral.
“Sa sandaling humawak tayo ng tool; ng anomang kasangkapan, ang pangunahin nating tanong sa sarili: para saan? Bakit ko ito gagamitin? [...] So, kahit pa ang ginagamit mo ay tiyanak o manananggal, tool ito para sa ‘yo,” saad ni Samar.
Dagdag pa niya, “Ako, anoman ‘yong sinusulat ko ay lagi kong sinasabi ang mantra ko nang paulit-ulit. [...] Nangangarap [ako] ng mundong higit sa naririto.”
Kaya sa palagay ni Samar, ang paggamit niya ng mga nilalang na kagilala-gilalas sa kaniyang mga akda ay isang anyo ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga umiiral na hindi kayang unawain ng tao.
“Ibig sabihin,” paliwanag niya, “isang form ito ng humility sa isang banda. Hindi tayo ang sentro. Hindi tao ang tanging nagbibigay ng kahulugan sa mundo.”
Base sa paglalahad ni Samar, naging malaking bahagi ang kinalakhan niyang panahon at lugar sa pagsusulat niya ng mga kuwentong pumapaksa sa mga nilalang na kagila-gilalas.
“Lumaki ako sa probinsiya, sa Laguna,” anang manunulat. “At madalas kong banggitin ‘yong generation ko, ito ‘yong generation noong late ‘80s, early ‘90s. [...] Ito rin ‘yong panahon ng schedule brown-outs na very formative sa akin.”
Pagpapatuloy pa niya, “Ito rin ‘yong pagkakataon na halos wala kayong ibang access sa mga teksto maliban sa kuwento ng isa’t isa. Kapag nag-brown-out, wala. Kumbaga mas sinaunang pagkukuwentuhan, communal.”
Sa mga ganitong uri ng umpukan siya nakikipagpalitan ng mga kuwentong malayo sa itinuturing na makatotohanan.
Nariyan ang tungkol sa nanay niyang niligawan umano ng tikbalang, sa bunsong kapatid niyang nakita na lang nilang nasa itaas na ng punong mangga, at sa kaniya mismo na tila panandaliang naging invisible.
Ngunit paglilinaw ni Samar, kapag nagsusulat siya ay hindi niya raw iniisip na magsusulat siya tungkol sa partikular na paksa. Tiyanak o manananggal, halimbawa.
Aniya, “Nagkataon lang na sa imahinasyon ko ng kung ano ‘yong pinakamatapat at pinakatotoo do’n sa kuwentong mga gusto kong ibahagi, bahagi ang mga nilalang na ‘to.”
“Ibig sabihin, lagi namang ‘yong pagkukuwento, sa kabila ng pagkakategorya natin ng realist [at] fantastic na mga naratibo—ay mga bersyon ng mga manunulat ng katotohahan,” dugtong pa ni Samar.
Kaya ang payo niya, magsulat at maging matapat sa mismong sandali ng pagsusulat.
Bukod dito, ipinaalala rin ni Samar sa mga nagnanais magsulat ang pagpapalawak sa mga librong binabasa.
"Lahat naman ng kaya nating i-access na tekstong nauna sa atin, of course, walang maidudulot sa atin kundi benefit ng awareness sa kung ano na 'yong nagawa ng iba [at] paano na ito nakita ng iba," wika niya.
Dahil kung nangangarap ang lahat ng mundong higit sa naririto, mainam aniya na alam muna ng bawat isa kung ano na nga ba ang mundong naririto.