December 15, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit tinawag na ‘doomsday’ fish ang oarfish?

ALAMIN: Bakit tinawag na ‘doomsday’ fish ang oarfish?
Photo courtesy: Municipal Agriculture Office Roxas (FB), MarineBio (website)

Isang patay na oarfish ang kamakailang tumambad sa mga residente ng Brgy. San Jose sa Roxas, Oriental Mindoro. 

Ayon sa Facebook post ng Municipal Agriculture Office Roxas, isang mangingisda ang nakakita sa halos 11-talampakang oarfish na nanghihinang lumalangoy sa pampang. 

Ang nasabing oarfish ay kalauna’y namatay at inilibing ng mga residente. 

Ayon din sa kanila, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng “oarfish sighting” sa kanilang probinsya. 

Human-Interest

ALAMIN: Online at physical stores ng puto bumbong na 'magpapa-cravings satisfied' sa’yo

Ang paglitaw na ito ng oarfish o kilala rin bilang “doomsday fish” ay naging usap-usapan ng netizens sa social media dahil sa umano’y pagiging pangitain bago ang sakuna. 

Dahil dito, ano ba ang oarfish at bakit ito tinawag na “doomsday” fish? 

Ang giant oarfish o regalecus glesne ay isa sa mga uri ng lamang-dagat na mayroong kakaibang itsura. 

Ayon sa Ocean Conservancy,  ay kilala sa pagkakaroon ng mahabang katawan na maihahalintulad sa laso, na lumalaki hanggang 30 feet.

Sa pag-aaral ng Florida Museum, ang oarfish ay mayroon ding malalaking mata na nakatutulong para makakita ito sa madilim na parte ng dagat dahil ito ay naninirahan sa lalim na 656 feet o 200 meter hanggang 3,280 o 1,000 meter ng dagat.

Sa dagdag na pag-aaral ng Oceana, dahil naninirahan ito sa malalim na parte ng karagatan, ang oarfish ay bihirang mapunta sa mga dalampasigan, maliban na lamang kung ito ay mamatay na, disoriented o nalilito, o aksidenteng napadpad rito.

Ayon sa Live Science, ang paniniwalang ang oarfish ay pangitain ng lindol ay mula sa mitolohiya ng mga Japanese. 

Sa tradisyonal na Japanese legend, ang oarfish ay kilala bilang "ryugu no tsukai" na nangangahulugang “the messenger from the sea dragon god's palace."

Ang mga tao noon ay naniniwala na ang oarfish ay magpapakita mula sa tirahan nito sa ilalim ng karagatan para magbigay babala sa mga tao kapag may paparating na lindol. 

Ayon pa sa Live Science, ang paniniwalang ito ay umigting nang 20 oarfish ang nakita sa dalampasigan, ilang buwan bago ang pagyanig ng magnitude 9 na lindol sa Japan na nagdulot nang mahigit 200,000 na pagkamatay sa bansa.

Sa pag-aaral ng National Geographic, isa pang pagkakataon na napag-usapan ang koneksyon ng oarfish sa lindol ay ang paglabas ng anim oarfish sa dalampasigan sa Pilipinas noong 2017 bago ang pagyanig ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao, na nagdulot ng walong pagkamatay at 200 na kaso ng mga sugatan.

Gayunpaman, naniniwala ang ilang scientist na isa lamang itong haka-haka. 

Dahil ayon sa kanila, ang paglabas ng mga oarfish sa dalampasigan ay dahil lamang sa pagbabago ng temperatura sa karagatan, seismic activity sa ilalim ng dagat, polusyon, o pagkakasakit ng mga ito. 

Ayon naman sa Times Now, ipinaliwanag din ng mga marine biologist na ang oarfish ay hindi delikado sa tao dahil bukod sa wala itong mga ngipin, ang mga kinakain lamang nito ay maliliit na isda, plankton, at mga crustacean.

Sean Antonio/BALITA