Isiniwalat ni Sen. Kiko Pangilinan na “multo” niya umano na siya ay mawalan ng saysay, at mas pipiliin pa niya umanong mamatay, kaysa mawalan ng saysay.
Ibinahagi rin ni Sen. Kiko sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Oktubre 12, kasama ang OPM band na Cup of Joe, na lahat umano ng gagawin ng bawat isa ay dapat na makabuluhan.
“Ang multo ko, 'yong mawalan na ako ng saysay. 'Yon ang multo ko, dahil ayokong mawalan ng saysay. Kinakailangan lahat ng ating ginagawa ay may kabuluhan, makabuluhan,” ani Sen. Kiko.
“And I remembered saying this noong college pa ako, I'd rather be dead than irrelevant. So 'yon ang aking multo, iyong maging irrelevant. Kaya tuloy lang, 'di ba? Tuloy lang,” dagdag pa niya.
Binati niya rin ang banda sa sold-out nitong 3-day “Stardust” concert mula Oktubre 10 hanggang 12.
“Break a leg, congratulations! Napakahusay, ang galing! Sold out kaagad,” aniya.
Hiniling din ng mambabatas ang patuloy na pag-inspire at pag-uplift ng banda sa kasalukuyang henerasyon at lipunan.
“Mayroon din kayong responsibilidad sa inyong pagiging sikat, sa pagmamahal ng inyong audience. I wish you all the best. Continue to inspire, continue to uplift. Alam ko maraming problema ang ating lipunan, ang ating bansa, pero dahil sa inyo, siyempre, nananatili iyong inspirasyon,” anang mambabatas.
“Kayo ang mitsa ng pagbabago, at napakalahaga ng sining, music. Siyempre ang bias ko, music. Pinakasalan ko recording artist. Salamat naman, hanggang ngayon, patay na patay pa rin sa akin,” dagdag pa niya.
Saad pa ni Sen. Kiko, “But seriously, salamat. You are an inspiration to your generation, and I'm very proud and happy, and honored to have been part; having a cameo role in your very successful concert. Salamat.”
Matatandaang naging parte ng “Stardust” concert ang mambabatas matapos nitong lumitaw sa isang videotape recording (VTR), kung saan naglahad ito ng mga litanya na tila inaalok ang banda na umanib sa aniya’y isang misyon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ikulong na 'yan mga kurakot!' loud cheer kay Sen. Kiko sa Cup of Joe concert-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA