Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa "medium chance" ang tsansa na maging ika-11 na bagyo ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa weather bureau, kung magpapatuloy ang development ng LPA bilang bagyo habang nasa loob ng PAR, bibigyan ito ng local name na "Kiko," ang ika-11 bagyo sa taong 2025.
As of 5:00 PM ngayong Martes, Setyembre 2, ang LPA ay namataan sa layong 1,170 kilometers East of Extreme Northern Luzon.
Dahil may kalayuan ang LPA sa kalupaan, wala na raw itong magiging direktang epekto sa bansa kahit pa ito ay maging bagyo.
Hindi rin pinalalakas ng LPA ang southwest monsoon o habagat, na siyang nakakaapekto sa bansa, partikular sa Kanlurang bahagi ng Luzon sa Ilocos Region, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Antique.
Ang mga nabanggit na lugar ay makararanas ng pag-ulan, habang sa natitirang bahagi bansa ay asahan ang maaliwalas ang kalangitan at mababa ang tsansa ng pag-ulan ngunit posible pa rin ang localized thunderstorms.