Hindi napigilan ang tensyon sa gitna ng palitan ng sagutan nina Senador Jinggoy Estrada at Secretary Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaninang umaga ng Martes, Agosto 19.
Sinang-ayunan ni Bonoan ang katanungan ng senador kaugnay kung mayroon bang ghost projects ang kontrobersyal na flood-control projects na iniimbestigahan ng Senado.
“Ilan ang ghost projects ninyo dyan?” pagtatanong ni Estrada.
“[T]his is under process of validation, your Honor,” sagot ni Sec. Bonoan.
Samantala, sa kabila ng itinuran ni Bonoan, nilihis ng senador kung naniniwala ba umano ang kalihim kung mayroong tinataglay na ghost projects ang nasabing proyekto para sa usapin ng baha.
“But you still believe that there are ghost projects?” anang senador.
Sinagot naman ni Bonoan ang katanungang ito na mayroon itinatagong ghost projects ang ilan flood-control projects ayon sa kaniyang hinuha.
“[...] Your Honor, I think so,” saad ni Bonoan.
Nilinaw ni Estrada kung sigurado ba ang kalihim sa naging kasagutan nito at hindi nagbago ang kaniyang tinuran.
Dahil dito, nagawa ng senador na tanungin kung saan-saang opisina ang mayroong ghost projects batay sa naging kasagutan niya ngunit nilinaw ni Bonoan na patuloy pa rin nila itong sinisigurado.
“As I mentioned in my statement, your Honor, there are district offices that we are trying to continue the validation of some of the projects. Let me just point out, your Honor, many of the other projects I have mentioned. Some of these projects were also implemented in 2021 [and] 2022 ” saad ng sekretarya.
Sa pagpapatuloy ng pandinig, nilinaw ng senador kung ngayon lamang nadiskubre ng ahensya ng DPWH ang kontrobersyal na pangyayaring ito.
Pagtataka ni Jinggoy, kung ngayon lang sumambulat ang ganitong balita, ibig sabihin ba raw ay wala nang ghost projects na naganap mula 2023 hanggang 2024.
Buwelta naman ni Bonoan, nagbabase sila sa central office batay sa kung ano ang ipinapakita na mga impormasyon ng projecting monitoring na dumadating sa kanila.
“Your Honor, at the central office, we are relying actually on our project monitoring information that comes to us. Unless it [is] going to be validated in field,” anang Bonoan.
Samantala, sa pagpapatuloy ng pag-uusap ng dalawa, naibahagi ng senador na may mga ulat na nakarating sa kaniyang opisina kaugnay sa mga ghost project na mayroon ang ilang munisipalidad.
“My office receives reports that there are ghost projects in the municipalities of Calumpit, Malolos, and Hagonoy in the province of Bulacan. Can you confirm this,” pagtatanong ni Estrada.
Sumang-ayon naman si Sec. Bonoan kaugnay sa usaping ito.
“And the contractor[s], allegedly [are the] Wawao Builders[...] Am I correct?” paglilinaw ng senador.
Sinang-ayunan ito ni Bonoan at humiling ang senador kung maaaring makausap ang may-ari ng Wawao Builders na kinilalang si Mark Allan Arevalo ngunit hindi ito dumalo sa pandinig ng Senado.
Sa pagpapatuloy ng pandinig, naitanong ni Estrada kung magkano ang naging gastos ng nasabing Wawao Builders sa flood-control projects na kanilang ginawa.
Hiniling ng senador na maglabas sina Sec. Bonoan ng eksaktong numero ng mga nagastos ng nasabing contractor sa kanilang mga naging proyekto.
Sa kalagitnaan ng paghahanap nila Bonoan ng datos kaugnay sa Wawao Builders, hindi napigilang sabihin ng senador: “Nakakadiri kayo."
Samantala, tinukoy ni Binoan na 9 bilyon ang naging kabuuang gastos na naimplementa ng Wawao Builders sa mga flood-control projects nila sa buong bansa habang humigit 5 bilyon naman sa 85 proyekto nito sa probinsya ng Bulacan.
“The total cost of the projects that have been implemented is 9 billion all over the country, Mr. Chair. But let me just point out in Bulacan alone. Wawao Builders had 85 projects amounting to P 5,971,811,000,” pagbibigay niya ng datos.
Ipinagbigay-alam naman ng DPWH secretary sa Senado na kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang nabanggit na contractor ng flood-control project sa nasabing probinsya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita