Laugh trip sa mga netizen ang naging pahayag ng musical composer at punong hurado ng "Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak 2025" na si Louie Ocampo, habang nagkokomento sa isang kalahok.
Nagbigay kasi siya ng komento sa isang resbaker na ang ganda raw ng mga "kulot" at piniling nota.
"Pa'no ba pinipili 'yon Sir Louie?" sundot na tanong ni Vice Ganda.
Payo na rin sana ni Louie para sa singers ang tungkol sa "nota" subalit natawa na rin siya nang tumawa na rin ang madlang people audience.
"Vice, may... kasi kailangan ma-inspire ka muna para makita mo at ma-imagine mo 'yong mga nota eh," seryoso pang sagot ni Louie.
"Kailangan musically inclined ka talaga eh," segunda pa na Vice. "Kailangan may tenga."
"Yes, so... Oo kasi kapag may nakita kang nota, automatic, ay may nakita kang ano..." saad ni Louie subalit natawa na siya at tila may na-realize na sa kaniyang sinabi.
Maya-maya ay nagpatuloy pa siya at sumeryoso na. Sinabihan pa siya ng kapwa huradong si Asia's Nightingale Lani Misalucha na English word na lang ang gamitin.
"Hindi, hindi, 'pag may narinig kang mga nota... notes sa utak, automatic nasa bibig eh," aniya subalit nagtawanan na ulit ang audience.
Bigla namang sumegunda si Vice Ganda at ipinaliwanag ang ibig sabihin ng hurado.
"Actually, ano ba 'yong tinatawag na... musical intelligence ba 'yon? 'Pag malawak ang iyong intelligence sa music, talagang normal na sa muscle sa bibig, bakit parang ang dali sa kanila? Pero sa atin ang hirap," sey at baling ni Vice Ganda sa co-host na si MC Muah.
"Totoo, napakahirap," segunda naman ni MC.
"Parang... pa'no 'yon? Paano napipili 'yong mga ganoong notes na pinaglalaruan lang?" sundot pa ni Vice Ganda.
"It comes with inspiration and experience," pahayag ni Louie.
Huling hirit ni Vice Ganda, "Maraming salamat po, hanggang doon na lang po tayo Sir Louie, thank you very much po... Hanggang dito na lang ba tayo [kumanta]..."
Ang nota, sa beki language, ay matagal nang may pagpapakahulugang ari ng lalaki. Isa ito sa mga salitang ipinamamalit sa nabanggit na salita, kagaya na lamang din ng "talong," "batuta," "baril," "hotdog," "kargada," at iba pa.