Walang permanenteng petsa ang Semana Santa at nagbabago ito kada taon— hindi katulad ng Pasko, Bagong Taon, at iba pang holiday. Noong 2024, ipinagdiwang ang Semana Santa mula Marso 24 hanggang Marso 31; ngayong taon naman ay mula Abril 13 hanggang 20.
Ngunit bakit nga kaya nag-iiba ang petsa ng Holy Week kada taon?
Ayon sa mga ulat, may kinalaman ang “buwan” sa pagtatakda ng magiging pagdiriwang ng Semana Santa sa isang taon.
Noong 325 A.D. daw kasi, napagdesisyunan ng First Council ng Nicea na ipagdiwang ang Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay sa unang linggo pagkatapos ng unang “full moon” kasunod ng vernal equinox.
Ibinase umano ang petsa ng Easter sa naturang full moon dahil nakatapat dito ang pagdiriwang ng Jewish holiday na “Passover” o “Pista ng Paskuwa.” Ayon sa mga tala, namatay si Hesus sa petsang malapit sa pagdiriwang ng “Paskuwa,” at ito rin daw ang ipinagdiriwang ni Hesus at ng Kaniyang mga disipulo nang maganap ang Huling Hapunan.
Dahil nakatali naman ang kalendaryo ng mga Hudyo sa solar at lunar cycle, ang mga petsa ng Paskuwa at Linggo ng Pagkabuhay ay nagbabago kada taon.
Kaugnay ng paliwanag na ito, maaaring matapat ang pagdiriwang ng Semana Santa mula Marso 22 hanggang Abril 25.
Sa taong ito, natapat ang Linggo ng Pagkabuhay sa Abril 20, kaya't ang simula ng Semana Santa ay Abril 13 (Linggo ng Palaspas).
Nag-iiba-iba man ang petsa ng Semana Santa kada taon, hindi magbabago ang kahulugan at kabuluhan nito sa buhay ng mga Kristiyano: Ito ay ang walang hanggang pagmamahal ni Kristo.