Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na mananatili pa rin ang EDSA busway sa kabila ng mga umugong na balita.
Sa panayam ng isang radio station kay DOTr Secretary Jaime Bautista kamakailan, nilinaw niyang hindi na umano aalisin ang nasabing busway sa EDSA.
“Yes, hindi tatanggalin ang EDSA Busway. Nagkaroon lang ng discussion diyan pero hindi siya tatanggalin,” ani Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, kasama rin aniya sa napag-usapan ng pamahalaan ay ang pagsasaayos pa ng sistema ng EDSA busway na pasok pa rin sa international standards.
“Gusto sana natin na yung EDSA Busway conforms to international standards para sa comfort at convenience ng ating mga pasahero,” anang DOTr secretary.
Matatandaang inulan ng samu’t saring reaksiyon ang umano’y planong tanggalin ang EDSA busway kung sakali raw matapos at maiayos ang train system ng bansa, partikular na ang MRT station.
KAUGNAY NA BALITA: Planong pagtanggal sa EDSA bus lane, inulan ng samu't saring reaksiyon
Pumutok ang balitang tatanggalin na ang EDSA busway matapos itong kumpirmahin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes kung saan iginiit niyang wala pa raw petsa kung kailan mangyayari ang nasabing plano.
KAUGNAY NA BALITA: EDSA bus lane kinokonsiderang tanggalin; mga pasahero, sasaluhin ng MRT?—MMDA
Hindi rin nakaligtas sa puna ng taumbayan ang isa pang planong nabanggit naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla SA pagkonsidera umano ng gobyerno na magkaroon ng “road fee” sa mga dadaang private cars sa EDSA.
KAUGNAY NA BALITA: Mga dadaang 'private cars' sa EDSA, balak pagbayarin—DILG
Ayon kay Artes, nasa 250,000 sasakyan lamang umano ang kasya sa EDSA ngunit pumapalo na raw sa tinatayang 470,000 ang dumadaan dito kada araw.