Usap-usapan sa social media ang panukulang-batas na isinusulong ng isang mambabatas patungkol sa death penalty para sa umano’y mga korap na opisyal ng pamahalaan.
Kamakailan lang kasi nang pumutok ang House Bill No. 11211 o Death Penalty for Corruption Act, na naglalayong panagutin ang lahat umano ng mga tiwaling public officials sa gobyerno sa pamamagitan ng firing squad.
Si Zamboanga 1st district Rep. Khymer Adas Olaso ang principal author ng nasabing batas na iginiit na sa kabila raw ng kabi-kabilang batas hinggil sa korapsyon ay nananatili pa rin daw ang talamak na katiwalian.
"Despite the existence of numerous laws aimed at combating graft, malversation and plunder, the persistence of these crimes suggests that current measures are insufficient to deter public officials from engaging practices," saad ni Olaso sa kaniyang explanatory note.
Si Olaso ay kasalukuyang nagsisilbi sa kaniyang unang termino bilang kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga sa 19th Congress. Bagama’t may nalalabi pa siyang ilang termino, noong Oktubre 2024 nang magsumite siya ng Certificate of Candidacy (COC) bilang alkalde sa Zamboanga City.
Isa sa mga kaniyang makakatungali sa darating na 2025 National and Local Elections ay ang kapuwa mambabatas na si Zamboanga 2nd district Rep. Jose Manuel Dalipe mula sa partido Lakas-CMD.
Sa panayam noon ni Olaso, bagama’t may plano umano siyang tumakbo sa ikalawang termino bilang Kongresista, nakumbinsi raw siya ng kaniyang pamilya at mga kaibigan na mag-file ng kandidatura sa pagka-alkalde sa kanilang lugar.
Samantala, umani naman ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang panukala ni Olaso na tila wala raw matitira sa gobyerno kung sakaling tuluyang umusad ang House Bill 11211.
“Not applicable sa Pinoy yan magiging endangered specie ang Pinoy mauubos.”
“Ubos ang nasa congress and senado.”
“Ubos lahat ng politiko niyan.”
“Madaming masisentensyahan.”
“Hindi papasa, mauubos silang ma-firing squad.”
“May matira pa kaya?”