Dinuro, pinagmumura at halos itulak ng ilang Duterte supporters ang hanay ng media sa EDSA Shrine nitong Huwebes, Nobyembre 28, 2024.
Ayon sa video na kuha ng ABS-CBN News, makikita na nagsimula ang tensyon dahil umano sa walang pahintulot na pagkuha ng video at larawan ng media sa mga Duterte supporters.
Sigaw ng ilang Duterte supporters, iba raw ang inilalabas na report ng media, may ilan ding nagsabi na hindi raw nagpaalam ang mga ito na kuhanan sila ng litrato at videos.
Depensa naman ng ilang miyembro ng mga mamamahayag na nasa EDSA Shrine, mayroon daw silang permiso mula sa taong nagngangalang “Ka Eric.” Hindi naman nalinaw mula sa nasabing video kung sino ang Ka Eric na tinutukoy ng media na nagbigay ng permiso sa kanila na kumuha ng footage sa Duterte supporters.
Maka-ilang beses din tinanong ng media kung sino raw ang nagsabi na bawal silang kumuha ng video sa hanay ng Duterte supporters. Giit naman ng ilang rallyista, “bayaran daw ang media” at “sinungaling” din umano.
Bahagyang humupa ang tensyon nang may isang security guard na ang namagitan sa media at sa ilang Duterte supporters.
Nobyembre 26 nang magsimulang dumagsa ang tagasuporta ng pamilya Duterte upang inahayag daw ang pagtutol nila sa umano’y panggigipit ng pamahalaan kay Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang Duterte supporters, hindi pa rin humuhupa sa bahagi ng EDSA Shrine
Matatandaang nitong Nobyembre 26, nang pumutok sa balita ang kumpirmasyon ng Philippine National Police na hakot lang daw at binabayaran din umano ang mga Duterte supporters na nananatili hanggang ngayon sa EDSA Shrine.