Nanindigan ang Premier Volleyball League na hindi nito pahihintulutang makalaro sa paparating na All Filipino Conference ang Fil-Am setter na si Alohi Robins-Hardy, taliwas sa hiling ng Farm Fresh Foxies na makuha ang naturang manlalaro.
Sa opisyal na Facebook post ng PVL, muli nilang iginiit ang kanilang tugon hinggil sa status ni Hardy na kinakailangan pa raw sumailalim sa drafting ng liga bago tuluyang makapaglaro dito.
“Alohi Robins-Hardy can play in the PVL, but she must first fulfill the league’s eligibility requirements,” anang PVL.
Dalawang requirements ang hiningi ng liga katulad ng Philippine passport at drafting process.
“A valid Philippine Passport and going through the draft process which will take place in June 2025.”
Kalakip ng naturang caption ang isang larawan kung isinaad din ng liga na ito raw ang kanilang panuntunan magmula nang kilalaning professional league ang PVL noong 2021 na pinagkasunduan din daw ng participating team.
Samantala, iginiit naman ni Farm Fresh owner Frank Lao na gusto lamang daw ng kaniyang koponan na mas maging competitive sa paparating na liga, ngunit tila ayaw silang pahintulutan nito.
“We know there’s no shortcut to success. That’s why we’re working hard to recruit and develop our team into becoming a title contender,” ani Lao sa panayam sa media.
Ikinalungkot din ni Hardy ang naturang desisyon ng liga at sinabing iniwanan daw niya ang kaniyang trabaho sa ibang bansa upang makalaro lang muli sa Pilipinas.’
“It’s really disappointing because I had to give up my job just to play and provide excitement to volleyball fans here in the Philippines,” ani Hardy.
Walang pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Farm Fresh sa magiging estado ni Hardy sa kanilang koponan.
Kate Garcia