Ika nga nila, parte ng pamilya si Bantay.
Ibinahagi ng ilang netizens ang kanilang sweet moments kasama ang mga alagang aspin kasunod ng pag-discriminate umano ng isang ‘pet-friendly’ restaurant sa alagang aspin ng kanilang customer.
Matapos mag-trending ang Facebook post ni Lara L. Antonio, fur mom ng aspin na si Yoda sa sinapit nila sa pet-friendly resto, bumuhos ang saloobin ng netizens pati na rin ang ilang personalities.
KAUGNAY NA BALITA: Customer, dismayado sa pet-friendly resto; alagang aspin, na-discriminate?
Maging si Kapuso star at fashion socialite Evangelista ay nagpakita ng pagsuporta kay Yoda sa pamamagitan ng isang Instagram account niya para sa alagang asong si Panda.
KAUGNAY NA BALITA: Heart Evangelista sa asping si Yoda: 'Sending love'
Kaya naman hindi na nga rin naiwasan ng netizens ibida ang kanilang alagang aspin.Tila napa-throwback ang netizen na si Mond Ortiz matapos niyang ibahagi ang kuwento ng aspin na si Pulgas.
Si Pulgas ay isang aspin na noo’y nasa pangangalaga ng pasilidad ng Cebu Pacific. Kuwento ni Mond, isa rin daw ito sa mga bubungad sa mga crew upang salubungin sila pagdating sa tanggapan ng Cebu Pacific.
“Pulgas was a very well-loved Aspin among the Cebu Pacific crew where he would welcome the arriving crew and say goodbye to the crew leaving for their flight,” saad ni Ortiz. Samantala, kinumpirma rin ni Mond na namayapa na si Pulgas noong 2023, kung saan masaya raw itong namuhay matapos ampunin ng isa sa mga crew ng nasabing airline.
Sa isang Facebook reels naman idinaan ng content creator na si Romeo Theo Carinosa ang kaniyang tila saloobin ng kaniyang alagang aspin. Mapapanood sa naturang video na ang tila pagsagot ng kaniyang aso na si Theo sa mga tanong ni Romeo rito.
Mistulang nagkakaintindihan ang dalawa habang binabanggit ni Romeo ang isyu sa pet-friendly resto na siya namang sinasang-ayunan ng kaniyang alaga sa pamamagitan ng pagtahol.
Inspirasyon naman ang hatid ng Facebook post ni Brandon Bon matapos niyang ibahagi ang plano niyang pag-ampon sa espesyal na aspin na si Sky.
Kuwento ni Brandon, ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang masagaan si Sky na siyang naging dahilan ng pagkatanggal sa ilang bahagi ng mukha nito. Makikita sa kaniyang ibinahaging larawan na halos nawala ang talukap ng bibig at ilong ni Sky, resulta ng kaniyang tinamo mula sa aksidente.
“Now under the care of BARK Inc. or Bohol Animal Rescue and Kindness Inc, he is very healthy with no difficulty during feeding, have plans to adopt him soon,” ani Brandon.
Sa isang reels din idinaan ng Facebook user na Cammydudels, ang talent ng kaniyang alagang aspin na animo’y nagbibigay ng saloobin sa naturang isyu.
Bida rito ang asong si Cali na may floral bandana at pearl necklace habang naka-Ai dub.Ibinida rin ng isang content creator na si Buniknik and Friends kung gaano karami ang kaniyang rescued dogs na aspin sa pamamagitan ng isang Facebook reels.
Aniya, masarap daw magmahal ang mga aspin dahil kaya raw nito tumbasan ng malasakit ang pag-aalaga sa kanila. Tila may pasaring din siya sa isyu nang banggitin na nagagamit daw ang aso sa mga negosyo para sa sariling interes.
“Ilalagay nila sa harapan pet-friendly. Kung may mga customer na papasok like ‘yung may mga customer na papasok na may high-breed, yung mga mamahalin. Hay naku, pero kung makakita ng aspin, naku, sino ka diyan? Ididiscriminate,” gigil na saad niya sa reels.
Hanggang ngayon patuloy ang pag-ulan ng simpatya sa nasabing polisiya ng pet-friendly na resto.
Samantala, matatandaang naglabas na rin sila ng opisyal na pahayag tungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: Pet-friendly resto, nagsalita na sa isyu ng diskriminasyon sa aspin ng isang customer
Kate Garcia