Nagpaabot ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte para kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Senador Robin Padilla, mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), at iba pang mga ordinaryong Pilipinong nais daw magboluntaryo para matiyak ang kaniyang kaligtasan matapos siyang tanggalan ng security escorts.
“Nagpapasalamat ako kay Senador Dela Rosa, Senador Go at Senador Padilla, mga AFP at PNP personnel, sa mga kababaihan, at lahat ng ordinaryong mamamayan sa inyong pagtugon sa panawagan ni Senador Bato ng boluntaryong pagtulong para sa aking seguridad. Ramdam ko ang inyong malasakit, pagmamahal at suporta,” pasasalamat ni Duterte sa isang pahayag nitong Martes, Hulyo 30.
Samantala, sinabi rin ng bise presidente na hindi raw nila kailangang mag-alala at mag-ambag para sa kaniyang seguridad. Bagkus ay hinihiling daw niya ang kaligtasan ng kanilang pamilya.
“Huwag kayong mag-alala sa akin. At hindi ninyo kailangan mag-ambag ng pera para sa security ko. Ang pagtatrabaho sa pamahalaan ay pag-alay ng buhay para sa bayan. Alam nating lahat na bahagi ito ng serbisyo,” ani Duterte.
“Isa lang ang hiling ko sa inyo — ang kaligtasan ng aking pamilya. Huwag ninyong payagan ang anumang karahasan sa aking ina, asawa at apat na anak, personal man o sa internet. At kung sakali man, huwag ninyong palampasin ang sinumang gagawa ng kapahamakan laban sa kanila,” saad pa niya.
Matatandaang nitong Lunes, Hulyo 29, nang maglabas si Duterte ng 4-page open letter para kay PNP chief Rommel Marbil kung saan tinalakay niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pagbawi ng security team ng Office of the Vice President (OVP).
MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinumpirma pag-relieve ng 75 personnel na itinalaga para sa proteksyon niya
Matapos nito, nanawagan naman si Dela Rosa sa mga dating pulis at militar na maging volunteer security ni Duterte, bagay na tinugunan naman ni Padilla at ilan pa umanong AFP at PNP personnel.