Pinatutsadahan ni Senador Imee Marcos si Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil matapos niyang ipanawagang ibalik na ang nawalang 75 na security detail ni Vice President Sara Duterte.
Noong nakaraang linggo nang kumpirmahin ni Duterte na naglabas ng order si Marbil kung saan ni-relieve ang lahat ng 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.
MAKI-BALITA: VP Sara, kinumpirma pag-relieve ng 75 personnel na itinalaga para sa proteksyon niya
Kaugnay nito, sa isang pahayag nitong Martes, Hulyo 30, iginiit ni Marcos na dapat ibalik kaagad ang security detail ni Duterte dahil siya raw ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa at isang tagapagtanggol ng “law and order.”
"VP Sara Z. Duterte should have her security detail back ASAP. First, she is the 2nd highest elected official in the country whose safety must never be compromised,” ani Duterte.
“Second, she is a Duterte, who, like her father, is a staunch defender of law and order, hence topping the CPP-NPA's order of battle,” saad pa niya.
Sa huling bahagi ng kaniyang pahayag ay nagpatutsada rin si Marcos kay Marbil at iginiit na hindi raw niya ito kilala.
“At sino naman yang Rommel Marbil? Ni hindi ko nga yan kilala,” saad ni Marcos.
Matatandaang nitong Lunes, Hulyo 29, nang maglabas si Duterte ng 4-page open letter para kay Marbil kung saan tinalakay niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pagbawi ng security team ng Office of the Vice President (OVP).
MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'