January 22, 2025

Home BALITA National

‘Magnificent 7' nagbantang maglulunsad ng transport strike

‘Magnificent 7' nagbantang maglulunsad ng transport strike

Nagbantang magdaraos ng malawakang transport strike ang pitong transport groups sa bansa na sumuporta at tumalima sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, kasunod na rin ng resolusyon ng Senado na nagsususpinde sa implementasyon ng naturang programa.

Ang banta ay ginawa ng mga naturang grupo ng transportasyon na tinaguriang ‘Magnificent 7’ at binubuo ng mga grupong Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEDJODAP), Stop and Go Coalition, at Liga ng Transportation at mga Operators ng Pilipinas (LTOP).

Sa idinaos na pulong balitaan ng grupo nitong Lunes, mariing kinondena ni Pasang Masda president Roberto "Ka Obet" Martin ang pahayag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero hinggil sa suspensiyon ng PUVMP.

Napagkasunduan rin umano nila na ang lahat ng pipirma sa naturang resolusyon ng Senado ay hindi nila iboboto sa darating na halalan.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Kinokondena namin ang sinabi ng pangulo ng senado na si Mr. Chiz Escudero tungkol dun sa suspensiyon ng PUVMP. Ang hakbangin namin… lahat ng pipirma sa resolusyon, hindi natin dapat iboto sa darating na halalan,” ayon pa kay Martin.

Dagdag pa niya, “Ito’y isang sorpresa, baka dumating tayo sa punto… ang pagtigil pasada. Ipadadama natin sa kanya at sa kanila ang lakas ng 80% na nakiisa at tumaya dito sa programa ng ating pamahalaan.”

Ipinaliwanag rin ni Martin na ang tinututulan nila dito ay ang resolusyon ng Senado, na maaaring humantong sa paglulunsad nila ng tigil-pasada.

“Ito na po (tigil-pasada” 'yung ultimate remedy na magagawa natin upang ipadama sa kanila na mahigpit naming tinututulan ang kanilang gagawing ito sa hanay ng transportasyon.”

Binigyang-diin pa ni Martin na malaki na ang na-invest ng kanilang grupo, na bumubuo ng 80% ng consolidation rate sa buong bansa, sa ilalim ng PUVMP at ang gagawing pagsuspinde dito ay makakaapekto sa kanilang kita.

Hinaing pa niya, marami na silang tumalima sa modernisasyon at sila ang maaapektuhan kung sususpindihin pa ngayon ang naturang programa.

“Tumaya na sila, nakiisa, niyakap na po ang program. Ang gusto naming lahat, ituloy ang public transport modernization. Tumaya na pong lahat 'yan, nangutang na, nagbabayad na. Malaki ang magiging epekto nito sa mga nag-comply na,” aniya pa.

Ikinalungkot rin naman ni Martin na hindi siya naimbitahan sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu at lahat sila ay nabigla sa naging desisyon nito.

Sa kanilang pagtaya, aabot sa hanggang 90% ng kanilang mga miyembro sa Metro Manila ang inaasahang lalahok sa ikakasa nilang tigil-pasada, sakaling matuloy ang suspensiyon sa PUVMP.