November 24, 2024

Home BALITA National

'Hindi ka nag-iisa!' Sen. Go, suportado pahayag ni VP Sara vs. PNP Chief Marbil

'Hindi ka nag-iisa!' Sen. Go, suportado pahayag ni VP Sara vs. PNP Chief Marbil
Sen. Bong Go, VP Sara Duterte, PNP Chief Rommel Marbil (Facebook)

“VP Inday Sara, hindi ka nag-iisa!”

Ito ang pahayag ni Senador Bong Go matapos niyang sang-ayunan ang naging patutsada ni Vice President Sara Duterte laban kay Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil kaugnay ng ni-relieve na 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 29, naglabas ng 4-page open letter si Duterte para kay Marbil kung saan tinalakay niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pagbawi ng security team ng Office of the Vice President (OVP).

MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'

National

Anumang banta sa buhay ng pangulo, isang usapin ng ‘national security’ – Año

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinumpirma pag-relieve ng 75 personnel na itinalaga para sa proteksyon niya

Kaugnay nito, iginiit ni Go sa isang pahayag nito ring Lunes na bilang vice chair ng Senate Committee on Public Order at mamamayan ng bansa, lubos umano siyang nag-aalala sa mga nakaraang insidente kaugnay ng PNP.

“Sa mga panahon na maraming pagsubok na nangyayari sa ating bansa, ipinapaalala natin sa liderato at sa buong hanay ng Pambansang Pulisya na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at huwag magpagamit sa anumang pulitikal na agenda,” giit ni Go.

“Tulad ng aking sinabi sa DSWD sa pamimigay ng ayuda at maging sa ginagawa ngayon ng kapulisan: Huwag maging selective! Huwag haluan ng pulitika! Gawin lang ang tama nang walang pili at walang pinapanigan!” dagdag niya.

Gayunpaman, anang senador, palagi pa rin daw niyang ipaglalaban ang mga karapatan ng mga pulis na tapat sa kanilang tungkulin sa bayan.

“Full support naman ako parati sa ating uniformed personnel, noon pa man hanggang ngayon. Bilang mambabatas, patuloy kong ipinaglalaban ang karapatan at kapakanan ng mga pulis na tapat sa tungkulin. Kaya noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay sinikap nating maisakatuparan ang pagtaas ng suweldo ng ating mga uniformed personnel, kasama na ang mga pulis bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo,” ani Go.

“Ang lagi kong payo sa mga pulis, be professional and just do what is right—proteksyunan ninyo ang buhay ng bawat Pilipino at gampanan ang tungkulin nang naaayon sa batas! Dapat manatiling propesyunal at tapat sa sinumpaang tungkulin ang ating mga alagad ng batas alang-alang sa bayan,” saad pa niya.