Lumulutang daw ngayon ang kuwento tungkol sa pinaplanong kandidatura ng TV host-actress na si Karla Estrada bilang mayor ng Santa Rita, Samar sa darating na midterm elections.
Sa latest episode ng “Cristy Ferminute” nitong Biyernes, Hunyo 28, hiningan ni showbiz columnist Cristy Fermin ng opinyon ang co-host niyang si Romel Chika tungkol sa nasabing plano ng TV host-actress.
“Ano sa palagay mo? Itutuloy niya ito? Pipiliin na niya talaga ang mundo ng politika kaysa ang kaniyang karera?” usisa ni Cristy.
Sagot ni Romel: “Pwede naman. Lahat naman ng tao may mga ambisyon…Baka ito ay isa sa plano talaga ni Karla Estrada—ang pagiging politiko balang-araw.”
“Saka hindi na siya bagito. Kasi ‘di ba dapat uupo nga siya diyan sa Tindog Party-list kaya lang hindi natuloy. Saka malapit siya sa mga politiko, sa mga Romualdez,” saad naman ni Cristy.
Pero sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang anomang pahayag o reaksiyon na inilalabas si Karla para pabulaanan o kumpirmahin ang naturang tsika.