Tinawag ni Unkabogable Star Vice Ganda si Senador Risa Hontiveros na isang “hardworking senator.”

Ang mensaheng ito ni Vice ay matapos mag-reply ni Hontiveros nitong Huwebes, Mayo 2, sa kaniyang hirit sa isang episode ng segment ng “It’s Showtime” na “Expecially for You.”

Sa nasabing episode, pabirong tinanong ni Vice ang isang guest na nagngangalang “Rizza” kung may hearing ba itong dadaluhan.

“Kumusta, wala bang Senate hearing ngayon, Rizza?” ani Vice.

Sen. Risa Hontiveros, sinagot hirit ni Vice Ganda: ‘May hearing po ako today’

“Hindi ‘yan si senator,” pagsaway ng co-host niyang si Jhong Hilario.

“Senator Risa Hontiveros,” bulalas naman ni Vice.

Sa caption ng pag-retweet ni Hontiveros sa video clip ng naturang episode ay kwelang sinagot niya ang tanong ni Vice.

“Yes, @vicegandako, may hearing po ako today para sa Magna Carta of Children bill,” hirit ni Hontiveros.

Ni-retweet din naman ni Vice ang X post ni Hontiveros at nagbigay ng maikling mensahe rito.

“Yazzzzzzzz our hardworking senator!!!! God bless Sen. Risa,” saad ni Vice.

Matatandaang nagwagi si Hontiveros bilang senador noong 2022 national elections, kung saan tumakbo siya sa ilalim ng slate ni dating presidential candidate at dating Vice President Leni Robredo na inendorso rin ni Vice.