Kasado na ang paggamit ng Commission on Elections (Comelec) ng mall voting para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, muli silang maglalagay ng mga voting precincts sa mga malls para sa midterm polls matapos na maging  matagumpay ang pilot run ng mall voting noong 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (2023 BSKE).

“Lahat ng malls sa buong bansa lalong lalo sa Metro Manila magpapaboto po tayo,” ayon pa kay Garcia, sa isang media interview nitong Huwebes.

Aniya, mas magiging komportable ang mga botante sa pagboto sa malls dahil mas malamig doon, at wala pang vote buying, walang karahasan, walang dumi, at walang kalat.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Paglilinaw naman ni Garcia, tuloy pa rin ang botohan sa mga pampublikong paaralan.

Aniya, hindi nila pupuwersahin ang paglipat ng venue ng botohan at sa halip ay idadaan muna ito sa consultation process.

Kung karamihan aniya ng mga nakatira sa isang barangay o sa isang presinto ay gustong ilipat ang kanilang pagboto sa mall, ay saka lamang nila ito ililipat.

"Hindi po namin pupuwersahin ang paglipat ng venue ng pagboto," ani Garcia.

Paniniguro pa ng poll chief, walang magiging karagdagang gastos sa Comelec ang mall voting dahil sasagutin ito ng mga mall owners.

Inaasahan din namang makikinabang dito ang mga malls dahil mas maraming tao pupunta sa kanilang mga establisimyento sa araw ng botohan.

Nakatakda pa naman umanong tukuyin ng Comelec sa mga susunod na araw ang mga malls na lalahok sa mall voting.