Nagbigay ng opinyon ang lead stars ng “What’s Wrong With Secretary Kim?” na sina Paulo Avelino at Kim Chiu tungkol sa work romance nang ganapin ang Grand Media Conference ng naturang serye sa Gateway Mall, Araneta Center, Quezon City nitong Sabado, Marso 9.
Para kay Paulo, lagi niya raw uunahin ang pagiging propesyunal pagdating sa trabaho bagama’t aware siya na mahirap pigilang hindi ma-inlaban sa katrabaho.
“It is always to be professional. I mean, I know in some cases, nagkaka-inlaban talaga. You can’t help but fall in love with someone in your workplace,” lahad ni Paulo.
"But maybe, just choose an appropriate setting. For me kasi, I always want to be professional," aniya.
Samantala, halos gano’n din naman ang inilatag na opinyon ni Kim tungkol sa work romance. Mahalaga raw kasing maging maayos muna ang trabaho kaysa personal na buhay.
"Hindi naman siguro maiiwasan ‘yong gano’n lalo na kung nagkakilanlan kayo ng ilang oras sa isang araw tapos siya lang kausap mo. Pero mas importante siguro mas maayos ‘yong trabaho mo kaysa ‘yong personal na buhay mo ang atupagin mo,” aniya.
Dagdag pa ni Kim: “Siguro mag-suffer ‘yong work katulad namin o sa office. Hindi ka makapag-concentrate sa office. [...] Bonus na lang ‘yong added feelings. Pero mas importante pa rin talaga kung ano 'yong dahilan ng pinasok mo sa trabaho."
Kaya naman, mapapaisip daw talaga ang mga manonood ng kanilang serye kung may kagaya raw ba ni “Brandon Manansala Castillo” sa totoong buhay na sobrang romantic sa kaniyang secretary.
Mapapanood na sa darating na Marso 18 ang naturang serye nina Kim at Paulo sa mismong online streaming platform ng Viu.
Samantala, sa isang bahagi ng mediacon, may ibinuking si Pepe Herrera tungkol sa ugnayan nilang dalawa sa taping.
MAKI-BALITA: Pepe Herrera, ibinuking sina Kim, Paulo sa taping: ‘Para silang mag-asawa’