Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na umaabot na sa mahigit 784,000 ang ang mga bagong botante na nagpapatala para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Batay sa datos na ibinahagi sa media ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nabatid na hanggang nitong Pebrero 28, 2024, umaabot na sa 784,831 ang bilang ng aplikante na kanilang nai-proseso.
Pinakamarami ang nagpatala sa Region 4-A (Calabarzon) na nasa 140,676, sumunod naman ang National Capital Region (NCR) na nakapagtala naman ng 117,123 bagong registrants.
Sa isang ambush interview naman sa launching ng Register Anywhere Program (RAP) sa Manila Electric Company (Meralco) sa Pasig City, nagpahayag ng pagkagulat at katuwaan ang poll chief dahil sa voter registration turnout.
Ayon kay Garcia, napaka-unusual at extraordinary nito dahil sa mga nakalipas kasing voter registration ay iilan lamang ang mga nagpaparehistro sa mga unang araw at maging linggo ng pagpapatala.
Aniya, “Actually po napaka-unusual niyan, talagang extraordinary at nagulat kami noong nakakaraang registration namin, mga unang araw, unang linggo hindi masyadong kinakagat, hindi masyadong pumupunta mga kababayan natin, pero sa kasalukuyan ay sobrang dami na po ang pumupunta na po sa mga registration sites.”
Kumpiyansa naman si Garcia na maaabot nilang mairehistro ang target nilang tatlong milyong bagong botante para sa halalan.
Ang voter registration ay nagsimula noong Pebrero 12 lamang at nakatakdang magtapos hanggang sa Setyembre 20, 2024.