Leap year na naman, nangangahulugang mapapahaba nang isang araw ang Pebrero dahil nakalitaw na naman ang “Pebrero 29” sa kalendaryo.

Ngayong leap year, halina’t alamin ang ilang mga tradisyon at paniniwala umano tuwing leap day mula sa iba’t ibang dako ng mundo na pwede mo ring sundin o iwasan kung gugustuhin mo.

1. Pwedeng mag-propose ang babae ng kasal

Sa panahon ngayon, free naman na ang lahat na gawin ang gusto nila, regardless of the gender. Pero noon pa man mga nakaraang siglo, mayroon nang nakagawian kung saan ang mga lalaki ang nagpo-propose sa kanilang iniibig at parang “taboo” na matatawag noon (at pati sa iba ngayon) kapag ang babae ang gumawa nito.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaugnay nito, mayroong mga napaulat na alamat kung saan tinanong daw ni Saint Bridget si Saint Patrick kung pwedeng bigyan naman ng oportunidad ang mga babaeng mag-propose dahil “napakabagal” daw ng mga lalaking gumawa ng “move.” Bilang tugon dito, pinahintulutan daw ng santo na magkaroon ng “Ladies’ Privilege” kung saan pinapayagan ang mga babaeng mag-propose isang araw kada apat na taon—o tuwing leap day (Pebrero 29).

Una raw naisabuhay ang ganoong tradisyon sa ilang mga bansa tulad ng Ireland, Scotland, Finland at Denmark.

2. Magmumulta ang mga lalaking magre-reject ng wedding proposal 

Ayon sa mga tala, noong 1288 ay nagpasa raw ng batas si Queen Margaret ng Scotland na nagsasabing kung sinumang lalaki ang tumanggi sa leap day proposal, dapat magbayad siya o ng magregalo sa babaeng tinanggihan niya. Samantala, limang taong gulang pa lamang naman daw ang reyna nang mga panahong iyon at wala ring sapat na ebidensya ngayon para sa naturang batas.

Gayunpaman, tila naging tradisyon na rin ang katulad ng nasabing kuwento sa iba’t ibang mga bansa.

Sa bansang Denmark, kapag ni-reject daw ng lalaki ang isang proposal sa leap day, dapat bigyan niya ang babae ng 12 na pares ng gloves na sasapat para maikubli na walang engagement ring sa kamay nito. Sa Finland naman, tela raw ang binibigay ng lalaki, sapat na para makabuo ng skirt para sa babaeng ni-reject niya.

3. Hindi ideal magpakasal at mag-divorce 

Bagama’t nakaangkla sa “proposal” ang tradisyon ng ilang mga bansa sa leap year, pagdating sa Greece, may paniniwalang hindi raw magandang magpakasal at mag-divorce tuwing leap day.

Ayon umano sa kanilang paniniwala, kapag nagpakasal ang couple sa leap day, mauuwi ito sa divorce. Kapag naman nag-divorce ang mag-asawa sa naturang extrang araw ng taon, ang bawat isa umano sa kanila ay hindi na muling makakahanap ng kanilang “lover” at “happily ever after.”

4. Paglathala ng satirical newspaper

Sa bansang France, isang satirical newspaper ang inilalathala tuwing leap day lamang o isang araw kada apat na taon. Ito raw ay ang “La Bougie du Sapeur” o “Sapper’s Candle.”

Ni-launch noong 1980, ipinangalan daw ang comical broadsheet sa isang old French comic book character na pinanganak sa leap day.

Mababasa raw sa “La Bougie du Sapeur” ang humorous stories, satirical articles, at pati mga advertisements na gawa-gawa lamang.

Naging tradisyon na ang paglalathala ng nasabing diyaryo kada leap day, kung saan nasa 200,000 pa umanong kopya ang naibenta noong nakaraan nilang issue noong 2020. Kaya naman dahil leap year ngayon, malamang inaabangan na ng kanilang readers ang bago nilang issue!

5. Pagbibigay ng special meal sa mga magulang na matatanda na

Sa bansang Taiwan, mayroon daw paniniwala ang ilan na ang leap day ay hindi suwerte dahil posible raw pumanaw ang kanilang matanda nang mga magulang sa mga panahong ito.

Kaya’t upang hindi magkatotoo ang naturang hindi magandang pinaniniwala, kailangang umuwi ang mga babaeng anak na may sarili nang pamilya sa bahay ng kanilang mga magulang para ipaghanda ang mga ito ng special meal nilang “pig trotter noodles.”

Ang naturang noodles daw ay sumisimbolo ng kanilang paghahangad na magkaroon pa ng magandang kalusugan at mahabang buhay ang kanilang mga magulang na may edad na.