Inaasahang magdudulot ng ilang mga pag-ulan ang trough ng low pressure area (LPA) sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Oktubre 13, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA dakong 5:00 ng umaga, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Occidental Mindoro at northern portion ng Palawan dahil sa trough ng LPA.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, posibleng magdulot ang Northeasterly Surface Windflow ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang ilang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, at Abra.
Wala namang inaasahang epekto ang naturang mga pag-ulan sa nasabing lugar, ayon sa PAGASA.
Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng trough ng LPA o ng localized thunderstorms.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Inihayag naman ng PAGASA na posibleng lumabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayan nitong LPA sa kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan, ngayong Biyernes o sa Sabado.
Mababa rin umano ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.