Isang araw matapos makalaya, nag-perform si Amadeus Fernando Pagente, mas kilala bilang Pura Luka Vega, gamit ang awiting “The Prayer” kasama ang kaniyang ina sa gitna ng isang fundraising event sa Maynila.
Makikita sa isang video sa social media ang pag-lip sync ni Pura ng “The Prayer” kasama ang kaniyang inang naging emosyunal sa entablado.
Nagpalakpakan naman ang mga tagasuporta ng drag queen, habang naging emosyunal din ang ilan sa kanilang pagtatanghal.
Nakalagay naman sa likod ng entablado ng nasabing fundraising event para kay Pura ang #DragIsArt, #DragIsNotACrime, at #AcquitPuraLukaVega.
Matatandaang inaresto si Pura sa bahay nito sa Sta. Cruz, Manila noong Miyerkules, Oktubre 4, kaugnay ng kontrobersiyal na “Ama Namin” drag performance nito.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, inaresto sa Sta. Cruz, Manila
Ito ay dahil umano sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig sa kasong isinampa ng mga miyembro ng Hijos Del Nazareno (HDN) Central.
MAKI-BALITA: Mga deboto ng Itim na Nazareno, nagsampa ng kaso vs Pura Luka Vega
Inihayag naman kamakailan ni Pura na wala siyang nakukuhang abiso hinggil sa isinampang kaso ng mga miyembro ng HDN, kaya umano hindi siya nakakadalo sa mga pagdinig.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, wala pa raw nakukuhang abiso sa isinampang kaso ng Hijos Del Nazareno
Nakalaya ang drag queen noong Sabado, Oktubre 7, sa pamamagitan ng pagpiyansa ng ₱72,000.
MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, nakalaya na!
Kaugnay nito, naglunsad kamakailan ng donation drive ang mga kapwa drag queens ni Pura para tulungan siya, kung saan umabot umano sa mahigit ₱550,000 ang natanggap nilang donasyon.
MAKI-BALITA: Donasyon para kay Pura Luka Vega, umabot na sa kalahating milyon