Ipinag-utos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa mga pamahalaang munisipyo at lungsod na ilikas ang mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Mayon matapos itaas ang alert status nito mula Alert Level 2 hanggang Alert Level 3 (increased tendency towards major eruption) nitong Huwebes, Hunyo 8.

MAKI-BALITA: Bulkang Mayon, itinaas sa Alert Level 3

Sinabi ni Eugene Escobar, APSEMO research division chief, na magsisimula sa Biyernes, Hunyo 9, ang paglikas sa 2,640 pamilya o 10,578 indibidwal na nakatira sa loob ng PDZ.

"We will do it systematically. It is safe to say that we still have enough time to do the evacuation tomorrow," ani Escobar nitong Huwebes, Hunyo 8.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa APSEMO, 89 indibidwal ang kailangang ilikas sa PDZ sa Camalig.

Sa Daraga, 336 na indibidwal umano ang ililikas mula sa Barangay Matnog at Salvacion.

Mayroon naman ang Ligao City na 132 indibidwal mula sa Barangay Baligang; 1,866 pamilya o 7,226 indibidwal sa Barangay Calbayog, Canaway, at San Roque sa Malilipot at 378 pamilya o 1,434 indibidwal mula sa Barangay Magapo, Mariroc, at Buang sa Tabaco City.

Dadalhin ang mga evacuees sa mga evacuation center na tinukoy ng mga LGU.

Suspendido naman umano ang klase sa lahat ng antas sa mga barangay sa PDZ.

Sinabi ni Escobar na handa silang ilikas ang mga residenteng nakatira sa pitong kilometrong PDZ kung aabot sa apat ang alert level.

"Worst case that means Alert Level 4, we will extend the evacuation to the seven-kilometer danger zone. That would be additional 4,416 families or 16,298 individuals," ani Escobar.

Samantala, sa isinagawang Emergency Meeting Preparedness and Response meeting ng Albay PDRRMC nitong Huwebes, sinabi ng resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na si Dr. Paul Alanis na maaaring magkaroon ng major eruption ang Mayon tulad noong 2018 o maliit na phreatic eruption katulad ng 2014.

Nino Luces