CAVITE – Isang maysakit na aso ang natagpuang inabandona sa loob ng isang plastic box sa gilid ng isang kalye sa Barangay Salawag sa Dasmariñas City noong Lunes, Abril 24.

Sinabi ni Christian Bondoc, Education Officer ng Animal Kingdom Foundation (AKF), sa Manila Bulletin na ang aso ay nadiskubre ng isang tricycle driver na kinuhanan ng litrato at ipinost sa social media para humingi ng tulong.

Tumugon ang AKF para iligtas ang asong pinangalanan nilang Daisy.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Larawan mula Animal Kingdom Foundation

Gaya ng nakikita sa mga larawan, ang ilang bahagi ng katawan ni Daisy ay kalbo at natatakpan ng mga sugat. Agad siyang dinala sa isang partner na veterinarian clinic kung saan siya ngayon ay ginagamot para sa matinding bacterial infection na may ehrlichiosis at extreme anemia.

"Mukha siyang breed dog actually, malamang Japanese Spitz," sabi ni Bondoc.

“Malinaw na may sakit ang aso at hindi na maganda kaya itinapon na parang basura. Ang pag-abandona ay isang uri ng kalupitan sa hayop. Isa itong criminal offense, isang paglabag sa RA 8485 Animal Welfare Act.”

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang AKF sa mga awtoridad para ma-trace ang may-ari ni Daisy.

"Walang saksi sa aktuwal na pagtatapon, ngunit sinusuri na namin ang mga CCTV ng barangay para malaman namin kung sino ang gumawa nito sa aso at para makapagsampa kami ng kaukulang kaso," sabi ni Bondoc.

"Pinapaalalahanan namin ang mga may-ari ng alagang hayop na maging responsable at ituring ang kanilang mga alagang hayop bilang mga miyembro ng pamilya."

Hindi bababa sa isang buwang medikal na paggamot ang kailangan para ganap na gumaling si Daisy. Pagkatapos nito, ililipat siya sa AKF Rescue and Rehabilitation Center sa Tarlac at kalauna'y ipaaampon.

Carla Bauto Dena