Tinatayang 2.37 milyong indibidwal na ang naitalang walang trabaho nitong buwan ng Enero na siyang naging dahilan ng pagtaas sa 4.8% ng unemployment rate sa bansa kung kumpara sa datos noong Disyembre 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, Marso 9.

Sa ulat pa ng PSA, naging mas mataas din ang nasabing unemployment rate nitong Enero kung ikukumpara sa datos noong Oktubre 2022 kung saan nagkaroon dito ng 4.5% o nasa 2.24 milyong jobless sa bansa.

Samantala, mas mababa naman daw ang datos nitong Enero kung ikukumpara sa naiulat na 6.4% unemployment rate o 2.95 milyong indibidwal na walang trabaho noong kaparehong buwan ng nakaraang taon.

Pagdating naman sa employment rate, nasa 47.4 milyon o 95.2% umano ang naiulat ng PSA na may trabaho sa bansa nitong Enero.

Mas mataas umano ito kumpara sa 93.6% employment rate na naitala noong Enero ng nakaraan taon.