Natagpuan ng mga pulis sa Vietnam ang 2,000 patay na pusa na balak umanong gamitin para sa traditional medicine.

Ayon sa isang official provincial newspaper sa Vietnam na inulat ng Agence France Presse, natagpuan ang mga pinatay na pusa sa probinsya ng Dong Thap sa Mekong Delta noong Huwebes, Pebrero 16.

Nakasilid daw sa cold storage ang naturang mga pusa at pinaniniwalaang dadalhin sa northern Vietnam.

Kasama umano sa natagpuan sa Dong Thap ang 480 na buhay pang mga hayop.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Ilang mga residente sa Vietnam ang naniniwala na ang extracts mula sa buto ng pusa ay makatutulong na magpagaling ng mga kondisyon tulad ng hika at osteoporosis.

Ngunit hindi pa ito napapatunayan ng siyensya.

Sa ulat naman ng nonprofit World Animal Protection noong 2019, 84% ng consumers ng traditional Asian medicine sa Vietnam na naniniwala sa unproven products ay mas gusto pa ang big cat products mula sa mga hayop.

“Does the life of an animal mean nothing at all? These big cats are exploited for greed and money - and for what? For medicine that’s never been proven to have any curative properties whatsoever. For that reason alone, it’s an unacceptable. But given that at each stage of their lives they suffer immensely – this makes it an absolute outrage,” ani Dr Jan Schmidt-Burbach, Global Wildlife Advisor ng organisasyon.

Ayon sa animal welfare organisation Four Paws International, aabot sa isang milyong pusa ang nabiktima ng illegal wildlife trade kada taon sa Vietnam.

Legal din sa naturang bansa ang pagkain ng mga aso at pusa.

Sa katunayan, may mga restaurants umano ang naghahain ng mga karne ng naturang mga hayop basta’t may sertipikasyon sila na nagpapakita kung saan kinuha ang mga ito.

Sa lagay naman ng slaughterhouse sa Dong Thap kung saan natagpuan ang mga pinatay na pusa, wala umanong naipakitang dokumento na nagpapakita ng pinagmulan ng mga hayop. Wala rin daw mapakitang papeles na nagbibigay rito ng pahintulot sa pagpatay ng mga hayop.

Sa ngayon ay wala pa umanong naaaresto ang mga awtoridad sa nasabing kaso.

Ang traditional medicine industry ay isang major driver umano ng illegal wildlife trade sa Asya, at ang Vietnam ang nagsisilbing consumption at transport hub nito.