Matapos ang tagumpay ng “Drag Race Philippines” at “Drag Den Philippines,” panibagong drag-reality show ang mapapanood ng drag fans, sa pagsisimula ng “Mudrakels” ngayong gabi, Pebrero 17.

Tampok sa nasabing programa ang mga “mudras” na sina Lumina Klum, Mrs. Tan, Gorgeous Dawn, Mimi The Doll, Collision Course, Arizona Brandy, Pura Luka Vega, na dating kalahok sa “Drag Den PH,” at si Lady Morgana, mula sa unang season ng “Drag Race PH.”

Misyon ng mga nabanggit na “mudras” ang i-transform ang kani-kanilang mga “nakshies” na kinabibilangan nina Adrian Wilson, Marj Viñas, Joaquin Pineda, Jed Cruz, Gigiboi Martin, Khym Manalo, Meg Villanueva, at Paolo Domingo.

Tatayong host ng “Mudrakels” ang drag queen na si Lady Gagita, na sinabing masaya siya sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanya.

Eleksyon

Sen. Koko Pimentel, tatakbong kongresista sa 2025

“Sobrang honored at actually ‘nung tinanggap ko ang project na ito, hindi pa nagpa-process sa utak ko na magiging isang host na ako ng isang digital drag reality series. Hindi man ako ang nanalo sa ‘Drag Den’ pero natutuwa ako na nabigyang pansin ang aking capability to entertain people through my personality, at dahil d’yan, feeling ko it is beyond winning the crown,” lahad ni Lady Gagita sa ekslusibong panayam nito sa Balita.

Nang tanungin naman siya kung ano ang kaibahan ng kanilang programa sa mga naunang drag-reality series, ibinida nito ang mga kwento ng mga drag queens na siyang dapat abangan.

“Siguro ang pwede nilang abangan yung mga kwento ng mga ‘nakshies,’ kasi hindi lang sila basta-basta sumali sa show na 'to. May dala silang bubog at kwento. May dahilan kung bakit nila gustong hanapin ang sarili nila through the art of drag. Pinagkaiba nito sa ibang shows, bukod sa budget, sobrang ‘dogshow’ lang nito. Walang script na sinusunod, pero nakakagulat ang mga talentong maipapakita dito” aniya.

Mayroong sampung episodes ang “Mudrakels” na mapapanood sa YouTube channel ng Feel Good Studios tuwing Biyernes, alas-otso ng gabi.