Nagpalitan ng pangako at singsing ang 240 LGBTQIA+ couples sa Quezon City commitment rites na inisponsoran ng lokal na pamahalaan nitong Araw ng mga Puso, Pebrero 14.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nasabing seremonya sa Quezon Memorial Circle (QMC).
Sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Belmonte na palaging nakasuporta ang kanilang lokal na pamahalaan sa LGBTQIA+ community.
“Here in Quezon City, I want you to feel that you are special. I want you to feel that your love is just as important as the love of a heterosexual couple,” ani Belmonte.
Nagpahayag naman ng mensahe para sa mga magkasintahan sa seremonya sina Miss TransGlobal 2020 Mela Habijan, dating Quezon City Pride Council Vice President Ging Cristobal, aktres na si Liza Diño-Seguerra, at ang mang-aawit na si Ice Seguerra.
Bukod sa pagpapalitan ng pangako at singsing, nagkaroon din ng paghiwa ng cakes at sabay na pag-inom ng wine ng mga magkasintahan sa seremonya.
Hindi ito ang unang commitment ceremony para sa LGBTQIA+ couples na inorganisa ng Quezon City government. Nasa 200 couple na ang nagpalitan ng pangako at singsing sa nasabing seremonya noong 2019 habang 250 couples naman noong 2022.