Kinumusta ng direktor na si Darryl Yap ang historyador at propesor na si Xiao Chua matapos ibahagi ang ulat ng Balita patungkol sa tweet nito, na hinggil naman kay "Urduja."
Si Urduja, na "legendary warrior princess" na sinasabing taga-Pangasinan, ay itatampok sa megaseryeng "Mga Lihim ni Urduja" na pagbibidahan nina Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Kylie Padilla, kasama pa ang nagbabalik-Kapusong si Sunshine Dizon. Ito ang sinasabing papalit sa patok na fantasy-historical drama series na "Maria Clara at Ibarra."
"Alam ko as legend naman yung kuwento ng Urduja at fictional naman pero sana hindi na lang siya ang ginamit dahil hirap na hirap na kami ipaliwanag sa tao na si Urduja ay hindi tao mula sa Pilipinas at ang Talawisi ni Ibn Battuta ay hindi sa Pilipinas."
"Narereinforce lang nito," ayon sa tweet ng historyador nitong Pebrero 8.
Sa ulat ng Balita tungkol dito, makikitang naglapag ng komento ang direktor ng "Martyr or Murderer."
"Ano raw? tinalo raw ni Urduja yung diktador?," aniya.
Ibinahagi naman ni Yap ang ulat ng Balita sa kaniyang sariling Facebook account at nilagyan ng caption na "Good Morning sa’yo Xiao Chua, Kumusta na ang Middle Finger mo?"
Matatandaang nagkainitan ang dalawa dahil sa komento noon ni Yap patungkol sa mga historyador, sa panayam ni King of Talk Boy Abunda sa kaniya.
"I don’t believe that historians should be a profession. I believe that historians are researchers. Masisipag sila na kumakalap ng mga impormasyon pero para sabihin na lahat ng isusulat nila ay 100% true at walang personal interpretation, ‘yun ang hindi ko matatanggap," ani Yap.
Bagay na nakarating naman sa kaalaman ni Chua.
“Being a historian SHOULD not be a profession?” panimula ni Chua sa kaniyang tweet noong Agosto 4, 2022.
“I am just an ordinary person but with whatever little power I have, I will give my middle finger to you,” dagdag pa niya.
Nabalitaan naman ito ni Yap at saka sinagot, Agosto 5.
"Nakarating po itong generous offer n'yo sa'kin, kakacheck ko lang, mukhang 'di ko kailangan kasi 2 pa rin naman ang middle finger ko— kung wala po kayong mapaglagyan n'yan… may suggestion po ako saan n'yo pwedeng itusok 'yan—with whatever little power you have," banat ng direktor na tila literal niyang sinagot ang pahayag ni Chua.
Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Chua sa "pangungumusta" ng direktor.