Nabisto ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang ₱160 milyong halaga puslit na sigarilyo sa Misamis Oriental kamakailan.

Sa pahayag ng BOC-Cagayan de Oro, dalawang container van ng sigarilyo ang hinarang nila sa Mindanao Container Terminal sa PHIVIDEC Compound, Tagoloan, nitong Enero 18.

Dumating sa bansa ang nasabing kargamento na mula China nitong Disyembre 16, 2022.

Nauna nang idineklarang "personal effects" ang laman ng dalawang container van, ayon sa BOC.

Probinsya

Bangkay ng isang lalaki natagpuang lumulutang sa ilog

Gayunman, naghinala ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-Cagayan de Oro (CDO), Surigao Field Station, at Enforcement and Security Service (ESS) CDO kaya nila isinailalim ang mga ito sa spot-check examination na ikinadiskubre ng kontrabando, sa tulong ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang BOC upang matukoy at makasuhan ang nasa likod nito.