May 22, 2026

Home BALITA

Panawagan ng ama ng nasawing bata sa NAIA: 'Tulungan n’yo po ako!'

Panawagan ng ama ng nasawing bata sa NAIA: 'Tulungan n’yo po ako!'
Photo courtesy: Contributed photo

Nagsalita na ang Overseas Filipino Worker (OFW) na ama ng limang taong gulang na batang nasawi sa aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, Mayo 4, 2025.

KAUGNAY NA BALITA: SUV, inararo departure entrance sa NAIA; driver, timbog!

Sa panayam ng media sa ama ng biktima nitong Lunes, Mayo 5, labis daw ang kaniyang pagdadalamhati sa nangyari sa kaniyang anak na nasaksihan pa raw ng buong bansa.

“Napakasakit po ng nangyari, lalong-lalo na, anak ko po ‘yon, mahal na mahal ko po 'yon,” aniya

Dagdag pa niya, “Buong Pilipinas po ang nakasaksi sa nangyari sa anak ko. Hindi ko po kaya. Kaya po ako nagsasalita rito para mailabas ko yung nararamdaman ko.”

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Ibinahagi niya rin na hindi pa raw alam ng kaniyang asawa at ina na nasawi na ang kanilang anak at apo dulot ng aksidente. Sumailalim sa operasyon ang kaniyang asawa na kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital kasama ang ina.

KAUGNAY NA BALITA: Mga labi ng dalawang nasawi sa aksidente sa NAIA, naiuwi na

“Kasi talagang mahal na mahal ko po 'yang anak ko. Alagang-alaga ko po 'yan, lalong-lalo na ng aking asawa. Hindi pa po niya alam na wala na ang anak ko. Nakakalungkot po, talagang mahal na mahal ko po 'yan. Kaya po nag-ipon ako para po sa kanilang dalawa. Tapos ganiyan po ang mangyayari,” anang ama ng biktima.

Nanawagan din siya ng tulong sa gobyerno upang mabigyan daw ng hustisya ang sinapit ng kaniyang anak.

“Sana po'y tulungan n'yo ko na managot yung bumangga sa anak ko. Pananagutin ko po 'to, tulungan n'yo po ko. Sa atin pong gobyerno, tulungan n'yo po ko na panagutin 'to. Sana po huwag po siyang makapag-piyansa,” saad niya. 

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide, multiple physical injuries at damage to properties ang suspek na nasa kustodiya na ng mga awtoridad.