Hindi na nakaalis patungong Europa ang Overseas Filipino Worker (OFW) na ama ng limang taong gulang na batang babaeng nasawi sa aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, Mayo 4, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: 'Anak ko 'yan!' Pagtangis ng ama ng batang nasalpok ng SUV sa NAIA, dumurog sa puso
Inihatid lang ng nasawing biktima ang kaniyang ama nang araruhin sila ng isang itim na SUV sa bahagi ng departure area. Kasama sa mga nahagip at nasugutan sa aksidente ang ina at lola ng bata.
KAUGNAY NA BALITA: 'Maghahatid lang:' Ama ng nasawing bata sa NAIA, OFW na paalis na ng bansa
Samantala, sa opisyal na pahayag ng Department of Migrant Worker (DMW) nitong Lunes, Mayo 5, 2025, iginiit nilang nakahanda umano silang makipag-ugnayan sa employer ng ama ng biktima dahil sa kaniyang pagliban sa trabaho.
"The Department also stands ready to assist the OFW in terms of explaining his absence from work to his current overseas employer," anang ahensya.
Naiuwi na ang mga labi ng batang babae habang sumailalim naman sa operasyon ang kaniyang ina na kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital kasama ang biyenan.
KAUGNAY NA BALITA: Mga labi ng dalawang nasawi sa aksidente sa NAIA, naiuwi na
Nagpaabot din ng pakikiramay ang DMW sa kanilang pamilya.
"We likewise fervently pray for the fast recovery of his wife, who was also run over and is hospitalized in critical condition. We also ask for prayers of healing and safety to those affected by this very unfortunate incident, including the mother of the OFW who was also injured but is currently out of harm’s way," saad ng DMW.