Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar at tumaya na sa kanilang lotto games dahil inaasahang lalo pang tataas ng papremyo ng kanilang mga lotto games.

Sa inilabas ng jackpot estimates ng PCSO nitong Sabado, nabatid na inaasahang aabot na sa mahigit ₱288 milyon ang papremyo ng Ultra Lotto 6/58 na bobolahin ngayong Linggo ng gabi, Nobyembre 27.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, walang nakahula sa six-digit winning combination na 05-39-40-31-29-46 ng UltraLotto 6/58 na binola nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 25.

Dahil dito, hindi pa rin naiuwi ang katumbas nitong jackpot prize na₱281,543,624.

National

‘Big Boss’ ng POGO sa Bamban at Porac, Tarlac, arestado na

Mayroon namang anim na mananaya ang nakapag-uwi ng tig-₱120,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Samantala, batay pa rin sa pagtaya ng PCSO, inaasahang aabot na sa higit P65 milyon ang jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na bobolahin rin ngayong Linggo ng gabi, habang ₱41 milyon naman ang premyong maaaring mapanalunan sa Mega Lotto 6/45 na bobolahin naman sa Lunes ng gabi, Nobyembre 28, matapos na hindi rin mapagwagian noong mga nakaraang lotto draw.

Una nang sinabi ni Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto dahil sa halagang₱20 lamang ay magkakaroon ka na nang pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makakatulong ka pa sa kawanggawa.

Ang Ultra Lotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo, habang ang Super Lotto 6/49 naman ay tuwing Martes, Huwebes at Linggo.

Ang Mega Lotto 6/45 naman ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.