Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na operational na simula ngayong Sabado ang EDSA Ayala Busway station, na inilipat sa loob ng One Ayala building sa Makati City.

Photo courtesy: DOTr (Facebook)

Ang naturang busway station ay pormal nang pinasinayaan nina Transportation Secretary Jaime J. Bautista at Ayala Land President Bernard Vincent Dy nitong Biyernes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa DOTr, ang renovated busway station na bahagi ng mas malaking passenger terminal facility, na One Ayala Terminal, ay itinayo ng Ayala Land upang makapagbigay ng kumbinyente, kumportable, ligtas at tuluy-tuloy na biyahe mula at patungo sa premier business district ng bansa.

Ang One Ayala Terminal ay isang intermodal transport hub na kayang magsilbi sa mahigit 300,000 libong pasahero kada araw.

Sinabi ni Dy kay Bautista na ang terminal ay kinabibilangan rin ng kumbinyenteng koneksiyon sa iba pang public utility vehicles (PUV).

Inihayag din ni Dy na ang vision ng Ayala Land noon pang 1960s ay gamitin ang naturang property sa kanto ng EDSA at Ayala Avenue upang tumulong sa mga commuters sa kanilang pagbiyahe mula at patungo sa Makati Business District.

“This Busway Station clearly depicts a scalable transport infrastructure that will support the mobility and connectivity needs of commuters. With the Christmas Season almost upon us, we expect this busway station to alleviate the holiday rush travails of commuters,” ayon kay Bautista.

Muli rin namang inulat ng DOTr chief ang unang anunsyo nito na ang Libreng Sakay sa EDSA Busway ay gagawin na nilang 24/7 sa buong buwan ng Disyembre.

“This One Ayala EDSA Busway Station reinforces our commitment to provide Filipinos with affordable, safe, comfortable and convenient transport. We look forward to the full operations of this station,” anang kalihim.

Bukod kina Bautista at Dy, kabilang rin sa mga sumaksi sa pagpapasinaya sa busway station sina DOTr Undersecretary for Road Transport Mark Steven Pastor, LTO Chief Jose Arturo Tugade, LTFRB OIC Riza Marie Paches, Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) Chief Charlie del Rosario at Makati Vice Mayor Monique Lagdameo.