Dinipensahan ni Senador Sonny Angara ang pagkakaroon ng confidential at intelligence funds (CIFs) ng Office of the President (OP).
Ani Angara, na siyang nauupo bilang chairperson ng Senate finance panel at sponsor ng budget, kinakailangan ng opisina ni Pang. Ferdinand "Bongbong" Marcos ng access sa maaasahang impormasyon nang mapanatili ang kaayusan sa Pilipinas.
“The president as we know, under the Constitution, is the commander-in-chief of the Armed Forces of the Philippines. He’s also the chairman of the National Security Council," anang senador.
Hindi naman nakaligtas ang isyu ng pagkakaroon ng P4.5-billion CIFs ng OP na mayroong P8.9-billion 2023 budget kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ang alokasyon para sa confidential funds ay P2.25B at ang kalahati ay para sa intelligence funds.
Pagkukwestiyon ni Pimentel, bakit pa dapat bigyan ang OP ng intelligence funds na P2.25B kung mayroon nang mga intelligence agencies at units na maaaring magsilbi sa intelligence needs ng OP o mismo ni Marcos?
Kamakailan, iminungkahi ni Pimentel na i-realign ang CIFs bilang disaster response.
Naniniwala ang senador na hindi sapat ang pondo ng pamahalaan para sa calamity fund ng Pilipinas para sa susunod na taon, kaya naman, ipinanawagan niyang bawasan ang CIFs at ilapat sa disaster fund.
BASAHIN: P9B confidential, intel funds, gawing 2023 disaster response — Pimentel
“Let us cut confidential and intelligence funds and re-channel this much-needed allocation to strengthen our disaster response capabilities,” anang senate Minority Leader.
Kalaunan ay inaprubahan ng Senado ang budget ng OP pagkatapos ng mga deliberasyon.